MANILA, Philippines - Tinalo ng host Saint Clare College of Caloocan at Centro Escolar University ang mga nakalaban para manatiling nasa unang dalawang puwesto sa 14th NAASCU basketball noong Linggo sa RTU Gym.
May 17 puntos si Jonathan Ibarra, 10 sa ikatlong yugto, habang si Jayson Ibay ay naghatid ng 16 puntos para sa Saints sa 74-65 panalo sa Our Lady of Fatima University para sa ikalimang sunod na panalo matapos mabigo sa Scorpions sa unang laro.
Nanguna para sa Phoenix si JJ Mallari sa kanyang 18 puntos.
Dinurog naman ng nagdedepensang kampeon CEU ang RTU Blue Thunder, 86-60, matapos mag-init sa three-point line sa kabuuan ng laro.
Sina Samboy de Leon ay may limang 3-pointer tungo sa 17 puntos habang si Alvin Abundo ay may tatlo para tumapos sa 15 puntos para sa CEU na nangunguna pa rin sa liga.
Nanguna si Sandy Cenal para sa Blue Thunder sa kanyang 14 puntos.
Pinagpahinga na ng City University of Pasay Eagles ang Philippine Christian University Dolphins sa second round sa 86-66 panalo.
Umakyat ang Eagles sa 2-4 baraha habang ikaanim na sunod na kabiguan ang nalasap ng Dolphins.