Wala ng kawala sa Green Archers

MANILA, Philippines - Nagtagumpay ang La Salle sa hinangad na ikalawang sunod na overall championship sa UAAP nang pagharian ang Season 76.

Bagamat hindi pa opisyal na tapos ang tagisan dahil nasa semifinals pa lamang ang volleyball at wala ng epekto ang resulta nito dahil selyado na ng Archers ang unang puwesto sa overall race sa walong paaralan naglalaban-laban.

May tangan na 271 puntos ang La Salle  matapos ang 14 sa 15 sports na pinaglalabanan at ang men’s team ay naghatid ng 134 puntos at ang women’s squad ay may 131 puntos.

Ang magpapakinang sa mabungang kampanya ng La Salle ay ang inaasahang makasaysayang four-peat sa women’s volleyball.

Winalis ng koponan ang double-round elimination para dumiretso na sa Finals bitbit ang halos di na matitinag na thrice-to-beat advantage.

Ang UST ay makokontento uli sa ikalawang puwesto habang ang UP ang kukuha sa ikatlong puwesto tangan ang 262 at 231 puntos.

Ang Ateneo ay nasa ikaapat na puwesto bitbit ang 197 puntos pero hindi na makakaagaw ng puwesto sa top three kahit nasa semifinals ang men’s at women’s team sa volleyball.

Kung suwertehin at walisin ng kanilang volleyball teams ang dalawang titulo, madaragdagan lamang sila ng 30 puntos pero hindi sapat ito para lampasan ang UP.

Sa kasalukuyan, ang FEU, na winalis ang kampeo­nato sa football, ay nasa ikalimang puwesto sa 177 puntos kasunod ng National University (143), UE (136) at host Adamson (97).

 

Show comments