Bolts sasagupa sa Energy Cola sa 1st game, Ginebra papasukin ang q’finals

MANILA, Philippines - Mula sa isang five-ga­me losing slump, buma­ngon ang Gin Kings upang magposte ng isang four-game winning streak at buhayin ang kanilang tsansa sa quarterfinal round ng 2012-2013 PBA Philippine Cup.

Puntirya ang kanilang pang limang sunod na panalo at ang silya sa quarterfinals, sasagupain ng Barangay Ginebra San Miguel ang Air21 ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Meralco at Barako Bull sa alas-4:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.

Nanggaling ang Gin Kings sa dramatikong come-from-behind 97-90 win laban sa Rain or Shine Elasto Painters noong nakaraang linggo.

Sa naturang panalo, bumangon ang Ginebra mula sa isang 18-point deficit bukod pa ang pagbabangko kay Most Va­luable Player Mark Caguioa sa fourth quarter.

“We were even deba­ting on it with the coaching staff. Kumbaga kasi sa giyera, gusto mo makasama mo s’ya sa foxhole kahit ano mangyari. Pero kasi, sa whole game nag-struggle eh, so we said, sige tingnan namin, and it turned out to be a blessing,” ani coach Siot Tanquingcen kay Caguioa.

Kasalukuyang bitbit ng nagdedepensang Talk ‘N Text ang 11-2 record kung saan nila ganap nang nakamit ang isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals kasunod ang San Mig Coffee (8-3), Rain or Shine (8-4), Ginebra (6-5), Alaska (6-6), Meralco (6-6), Petron Blaze (6-7), Air21 (4-8), Barako Bull (3-8) at Globalport (1-10).

Maliban sa Tropang Texters, opisyal na ring umabante sa quarters ang Mixers at Elasto Painters.

Nakalasap naman ang Express, dating nagtala ng isang three-game winning run, sa isang 94-100 ka­biguan sa Texters noong Nov. 25.

 

Show comments