DOBLE-kara! Ang term na ito ay tumutukoy sa mga taong baligtarin, na ang ibig sabihin ay kumakampi sa dalawang nag-uuntugang grupo. Kadalasan, Marites ang lakad ng mga taong ito. Ang ganitong mga tao na baliktarin ay hindi lang naman nakatutok lang sa mga pulitiko kundi maging sa nga negosyo, lalo na sa mga kontratista ng mga government projects. Araguyyyy!
Malakas kumita ang mga ito dahil ang kampo ni President Bongbong Marcos at ni Tatay Digong ang pamato nito. Get’s n’yo mga kosa? Kaya ang mga government projects sa Mindanao, lalo na sa BARMM, ay nakukupo ng baliktaring kontratista na ito. Dipugaaaaa! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Ayon sa mga kosa ko, ganito ang modus operandi ng doble-karang kontratista na mahilig mamangka sa dalawang ilog. Kapag nasa Mindanao itong si doble-karang kontratista, walang ginawa ito kundi siraan sina BBM at First Lady Liza Araneta Marcos.
Pinalalabas niya na kakampi siya ng kampo ni Tatay Digong, dahil alam n’yo naman mga kosa ang Mindanao, ay kilalang Duterte country. At kalimitang kausap ni kontratista ay mga disipulo ni Tatay Digong kaya nakakakuha siya nang maraming government projects, kung saan malaki ang porsiyento sa milyones na pondo ang napupunta sa bulsa niya.
Baka gamitin pa ni kontratista ang isyu sa pagkaaresto kay Tatay Digong at pagbiyahe sa kanya sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherland para hindi siya mahirapang makakuha ng proyekto sa Mindanao? E di wow! Ang modus ni kontratista ay magdadala nang malaking dagok sa gobyerno ni BBM. Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Ang siste naman, kapag nasa Palasyo si kontratista, panay ang paninira niya sa pamilya ni Tatay Digong. Siyempre, music in the ears ito ng kampo ni BBM, di ba mga kosa? Subalit alam ng mga taga-Mindanao na wala na siya sa inner circle ni BBM kaya hindi na rin siya masyadong pinaniniwalaan.
Nakalulungkot isipin na kahit na matagal ng kaibigan ni BBM itong kontratista kapag pera at kapangyarihan ang usapan ay kaya ka pa rin nitong magtraidor sa kaibigan. Sanamagan!
Maraming pinagkakakitaan ang opisyal na ito sa BARMM, kaya nga no-el na naman kasi may pondo na ilalabas pero wala masyadong sumisilip kasi isang autonomous region ang Bangsamoro state. Nakalulungkot isipin na mula 2022 walang nararamdamang progreso sa BARMM at puro mga COA-flagged projects lang. Sal-it! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Dapat imbestigahan ng Senado ang doble-karang opisyal o kontratista. Mismooo! Isama na sa imbestigasyon ang mga galamay niya na tagakuha ng advance payment sa mga ghost DPWH projects sa Mindanao. SInabi ng mga kosa ko na ang isa sa mga galamay niya ay work-wife niya at ang kasama ay isang secretary level ng isang ahensiya ng gobyerno sa Mindanao. Araguyyy!
Ang doble-karang opisyal lang ang tagalagda ng kontrata. Kapag hindi nasawata ng Palasyo ang opisyal o kontratista, baka magising na lang sila na wala na silang suporta sa mga pulitiko sa Mindanao at lumipat lahat sa kuwadra ni Tatay Digong? Abangan!