Napakasuwerte ng ating lungsod dahil sa atin isinagawa ang programang “Lab for All: Laboratoryo, Konsulta at Gamot para sa lahat!” kamakailan sa pangunguna ni First Lady Louise Araneta-Marcos.
Malaking karangalan na makasama ang mismong First Lady sa idinaos na programa, na dinaluhan din nina Vice Mayor Gian Sotto, at iba pang opisyal ng lungsod.
Napakaraming QCitizens ang nakinabang sa libreng serbisyong pangkalusugan na hatid ng Lab for All. Kabilang na riyan ang libreng laboratory services, x-ray, medical consultation, at mga gamot.
Malaki ang pasasalamat namin dahil nakatanggap ang lungsod ng isang Mobile Clinic mula sa Department of Social Welfare and Development na pinamumunuan ni Sec. Rex Gatchalian at sa Lucio Tan Group of Companies na magagamit ng QCitizens na nais magpatingin.
Sa tulong nito, mailalapit na natin ang iba’t ibang serbisyong medikal sa malalayong barangay ng lungsod dahil mayroon itong X-ray, laboratory/extraction facilities, ECG/ultrasound equipment, at comfort room.
Nagpapasalamat din tayo sa pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), sa pangunguna ng pangulo at CEO nito na si Emmanuel Ledesma Jr., sa pag-turnover ng remittance na nagkakahalaga ng P239,022,888.44. Malaking tulong ito para mapaigting pa ang paghahatid ng social services sa QCitizens.
Dagdag pa riyan, natanggap din natin ang lotto shares check mula kay Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Melquiades Robles na aabot sa P19,898,652.94.
Gagamitin natin ang pondong ito sa pagpapatupad ng social service programs, tulad ng medical and health care at scholarship grants para sa QCitizens.
Maliban sa mga programang pangkalusugan, nagkaroon din ng pagkakataon ang QCitizens na sumailalim sa libreng training at workshop ng TESDA, makakuha ng libreng police clearance, libreng payong legal mula sa Public Attorney’s Office (PAO), libreng business mentoring kasama ang Go Negosyo, financial assistance mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at marami pang iba.
Maraming salamat po First Lady Louise Araneta-Marcos sa pagdala mo ng “Lab for All” sa aming lungsod. Ramdam na ramdam po namin ang pagmamahal mo sa QCitizens.