Kahapon nagbukas ang school year 2024-2025. Kapansin-pansin na maraming pulitiko kahapon ang nagpapogi sa pagbubukas ng klase. May mga namudmod ng ayuda sa evacuees na naapektuhan ng Bagyong Carina. Maraming evacuees ang nasa eskuwelahan hanggang ngayon. Ang mga eskuwelahan ang pansamantalang tuluyan ng mga nasalanta ng Bagyong Carina at habagat.
Kaya nagkaroon ng pagkakataon ang mga pulitiko na magpakitang gilas sa mga evacuees na magagamit nila sa darating na 2025 elections. Palagay ko maraming nakuhang pogi points ang mga pulitiko dahil sa pamumudmod ng mga pagkain, tubig at gamot sa evacuation centers.
Palagay ko hindi naman masama ang ginawa ng mga pulitiko sa mga nasalanta ng bagyo at baha. Maganda ring paraan ang ginawa nila para makilala ng mga tao. Bukod sa ayuda na galing sa bulsa ng mga pulitiko, marami ring ipinamumudmod na relief goods ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Hindi lang sa Metro Manila maraming nagpapoging pulitiko, maski sa mga probinsiya man. Maging ang mga partylist congressmen ay nagpakitang gilas din sa pamumudmod ng ayuda sa mga lalawigang naapektuhan ng bagyo at habagat. Kabilang sa lalawigan na nagpapogi ang parytlist congressmen ay sa Capiz.
Nakakuha ng pogi points sa Capizeños ang mga congressmen na galing Pampanga nang mamudmod ng ayuda. Dahil sa nangyari, ang trapong politician dito sa Capiz na nag-aambisyong makabalik sa puwesto ay naghihinanakit dahil iniwan na siya ng mga dating kapartido.
Malapit-lapit na ang pagpa-file ng kandidatura kaya palagay ko, magiging busy na ang mga pulitikong nag-aambisyon na makapuwesto. Magiging madalas na ang kanilang pagpapapogi. Tiyak kapag may nangyaring kalamidad ay aktibo sila sa pamumudmod ng ayuda. Huhusgahan sila sa ginagawa.