MADALAS nating naririnig sa QCitizens na ramdam na ramdam na nila ang napakaraming positibong bagay na nagawa ng lokal na pamahalaan, lalo na sa kalusugan, transportasyon, edukasyon, imprastraktura, kaayusan at kalikasan. Lahat nang ito ay bunga ng isinusulong nating good governance na nagsisilbing matibay na pundasyon ng aking administrasyon.
Isa rito ang tuluy-tuloy na pagtaas ng kita ng lokal na pamahalaan na ginagamit naman nating pondo para sa social services.
Sa aking State of the City Address (SOCA) noong Biyernes, binanggit ko na bago ako naupo bilang mayor, nasa P16 bilyon lang ang kita ng siyudad mula sa buwis at iba pang mga bayarin noong 2018. Nang ipagkatiwala sa akin ng QCitizens ang puwesto bilang mayor noong 2019, umakyat ang kita ng siyudad sa P19.3 bilyon. Mula noon, tuluy-tuloy ang akyat ng revenue ng siyudad.
Ngayong taon, nasa P20.3 bilyon na ang kita ng QC hanggang sa ikatlong linggo ng Nobyembre, at inaasahan ng ating City Treasurer’s Office na lalampas pa ito sa P21 bilyon. Malaking bahagi ng kita ng siyudad ay napupunta sa iba’t ibang programa ng siyudad. Nasa 38% nito o katumbas ng P13.4 bilyon ay ginagamit natin sa social services, P5 bilyon naman sa edukasyon at P3.4 bilyon ay para sa pagpapagawa ng iba’t ibang imprastraktura sa ating siyudad.
Bahagi ng ipinatutupad nating good governance ang tiyaking nagagamit ang pondo nang tama at husto hanggang sa huling sentimo. Kaya nagpapasalamat ako na nakakuha ang ating siyudad ng ikatlong sunod na unqualified opinion mula sa Commission on Audit (COA), ang pinakamataas na audit rating na maaaring ibigay sa isang local government unit. Nagresulta rin ang good governance sa pagpaparehistro ng 10,000 bagong negosyo.
Kulang ang espasyo natin para mabanggit ang lahat ng ating accomplishments gaya ng libreng gamot, Pangkabuhayang QC, Start up QC, scholarships at infrastructure projects. pero isa lang ang tinitiyak ko.
Hinding-hindi ko babaliin ang aking paninindigan sa mabuting pamamahala dahil mas mahalaga sa akin ang kapakanan ng QCitizens, ang integridad ng aking pamilya, at ang sagradong tungkulin na ipinagkatiwala sa akin.