Pangamba ng mga pobeng magsasaka

Malapit sa puso ko ang mga magsasaka.

Mga pobreng magsasaka na kapag lumakas lang ang ulan sa kanilang probinsiya pagkatapos ng tag-araw, hindi na mapakali ang kanilang mga pamilya.

Tumitingala na lang sila sa langit at nagdarasal na huwag­ masira ang kanilang mga pananim, kung saan ang kani­lang puhunan ay inutang lang nila. Makakabayad lang sila pagkatapos ng anihan kung may aanihin sila.

Kahit walang bagyo, kapag tuluy-tuloy ang ulan nai-stress ang mga pamilya ng mga magsasaka. Karamihan sa kanila, undiagnosed o sila mismo, hindi aware na mayroon silang matinding anxiety dahil sa sobrang takot at pangamba.

Nangungunsumisyon sa lahat ng mga elemento tulad ng panahon, mga pinagkakautangan nila, mga pananim nila at kung sino ang bibili ng kanilang aanihing produkto. Laging nasa isip nila, na kapag bumagyo at nasira ang kani­­lang pananim lalo silang malulubog sa utang.

Ito ang reyalidad ng buhay ng ating mga pobreng magsasaka sa mga malalayong probinsya.

Dahil salat sa kaalaman, pinagsasamantalahan at gina­gantso pa ng mga middle man at mga trader. Na kadalasan, ang kasapakat pa ay yung mga opisyal nila sa kani­lang barangay na dapat sila ang pumuprotekta sa kanila.

Mga magsasaka na ginagamit pangkolateral ang kani­lang mga sakahan sa mga banko sa pangakong malaki ang kikitain kapag nagkasundo sila.

Marami nang mga literal na mga naghahampas ng lupa ang naloko ng mga trader na lumapit sa aming action center sa #ipABITAGmo.

Magkukunwaring bibilhin ang kanilang inaning produkto pero ang presyong inaalok, pamatay. Yung halos hindi na mabubuhay ang mga magsasaka na lubog na sa utang.

Bukod pa ito sa mga isinusumbong nilang mga bangko, mga ka-sosyo raw nila sa negosyo at mga trader na nanloko sa kanila. As in pinatikim lang sila ng konting pera tapos ang mga inisyu sa kanilang tseke, talbog na.

Ito lang kakaalis na bagyong Egay, matinding lungkot at pinsala ang iniwan sa tinatayang 2,303 magsasaka. Ayon sa Department of Agriculture, P53.1 milyon ang nasalantang mga lupaing sakahan sa Cordillera Administrative Region, Calabarzon, Mimaropa at Caraga. Tsk-tsk!

Entonses, ang limang pangunahing problema ng mga magsasaka natin sa Pinas ay ang kanilang kapital, postharvest facility, pabagu-bagong klima, market access o pagbebentahan at innovation o kaalaman sa makabagong teknolohiya.

Ito sana ang makita at mabigyan ng pansin ng ating pamahalaan. Ang kalagayan ng mga pobreng magsasaka.

Show comments