Sakit sa puso ng kababaihan

Ang sakit sa puso ay ang pangunahing sanhi ng pagka­matay sa mundo. Dati rati ay iniisip natin na ang mga lalaki lamang ang madalas nagkakasakit sa puso. Pero ayon sa bagong datos, dumarami na ang mga babaing inaatake sa puso.

Bakit ito nangyayari?

Narito ang mga dahilan:

1. Kapag ang babae ay nag-menopause o lampas na sa edad 50, tumataas na ang tsansa niyang magkasakit sa puso. Ito ay dahil nawawala na ang proteksyon na ibinibigay ng estrogen hormones. Kapag wala nang regla ang babae, bumababa na ang kanyang estrogen hormones. Sa katunayan, kapag lumampas na sa edad 65, may pagkakataon na mas marami pang babae ang inaatake sa puso kumpara sa lalaki.

2. Iba ang sintomas ng atake sa puso sa lalaki kumpara sa babae. Sa mga lalaki, nakakaramdam sila ng paninikip­ ng dibdib. Ngunit sa mga babae, ang sintomas nila ay ka­ka­iba tulad ng hirap sa paghinga, pagsusuka, pagkahilo at pag­kawala ng malay. Minsan ay hindi sumasakit ang dibdib ng mga babaeng inaatake sa puso. Dahil dito, dapat maging maagap at dalhin agad ang pasyente sa ospital kapag may ganitong sintomas.

3. Mas maraming babae ang matataba kumpara sa lalaki. Ayon sa pagsusuri, 31% ng mga kababaihan edad 50 hanggang 65 ang sobra sa timbang o overweight. Kung iku­kumpara sa mga lalaki, 4.3% lang ang matataba. Naka­kagulat hindi ba? Marahil ito ay dahil inuubos ng mga nanay ang tirang pagkain sa bahay.

Bukod sa mga nabanggit, may mga risk factors na parehong nakikita sa kalalakihan at kababaihan. Tataas ang tsansa mong magkasakit sa puso kung ikaw ay mayroon­ ng mga sumusunod: high blood pressure, mataas ang cho­lesterol, may diabetes, naninigarilyo, kulang sa ehersisyo at may lahi ng sakit sa puso.

Tandaan: Nakamamatay ang sakit sa puso. Ingatan ang iyong puso sa pamamagitan ng tamang pamumuhay at pag-inom ng maintenance na gamot kung kinakailangan.

Show comments