Hindi na maganda ang nangyayaring ito na sobra-sobra na ang presyo ng sibuyas sa maraming palengke sa Metro Manila. Mahirap paniwalaan pero totoong umabot na sa P720 bawat kilo ng sibuyas. Ngayon lamang nangyari ito na mas mahal pa ang sibuyas kaysa sa karne ng baboy. Dati ang inirereklamo ay ang mataas na presyo ng karne pero ngayon, ang sibuyas na ang nirereklamo dahil nga sagad-sagad na ang presyo.
At ang balita pa, maari pa raw tumaas pa ang presyo ng sibuyas sa mga susunod na araw. Ano ba ito? Bakit tila wala nang control ang pamahalaan sa presyo ng sibuyas at kung ano na lang yata ang idikta ng mga nagtitinda ay yun ang sinusunod. Hindi na ba pinakikialaman ito ng Department of Trade and Industry (DTI)? Ngayon lamang nangyari ito na ang hindi pinapansing sibuyas ay nagmahal nang todo.
Ang mahal na sibuyas ay karaniwang makikita sa mga palengke sa Las Piñas City, Mandaluyong City at may ilang palengke sa Maynila. Ayon sa mga nagtitinda ng sibuyas sa Mandaluyong market, tumaas ang presyo ng sibuyas dahil nagbabayad daw sila ng P680 sa supplier kada kilo ng sibuyas. Ganito rin ang sinasabi ng ilang nagtitinda ng sibuyas sa Las Piñas City public market. Wala raw silang magawa kaya nagbabayad na lamang sila. Ipinapatong naman nila ang gastos sa presyo.
Wala namang malinaw na sinabi ang Department of Agriculture sa nakaka-shocked na presyo ng sibuyas. Maski sila ay walang alam sa biglang paglobo ng presyo. At ang tanging advise ng DA sa consumers ay huwag bumili ng kilu-kilo at yung ayon lang sa pangangailangan. Yun lang daw kayang bilhin.
Nararapat na alamin ng DA ang dahilan nang pagtaas. Puwede bang basta na lamang tumaas ang sibuyas ng sobra-sobra? Dapat mag-imbestiga ang DA. Isa pa rin sa pinapanukala ng DA ay baka kailangan nang mag-import ng sibuyas ang bansa. Baka ito raw ang solusyon.
Nakapagtataka rin na nagtaas ang presyo ng sibuyas habang bumabaha sa mercado ang smuggled na sibuyas. Sunud-sunod ang pagkumpiska ng Bureau of Customs sa mga puslit na sibuyas mula China.
Hindi kaya may koneksiyon ito sa pagmahal ng sibuyas. Nakakaiyak na ang mga nangyayari na pati sibuyas ay problema nang malaki ngayon.