Patuloy na nag-iimbestiga ang BITAG sa reklamo ng mga army reservists na lumapit sa amin kamakailan.
Ang mga pobre, ilang buwang hindi nabayaran sa pagse-security sa isang POGO Executive sa Clark, Pampanga.
Anila, may mission order daw sila na pirmado mismo ni BGen. Carlos Buendia, 2nd TAS Commander sa AFP Reserve Command.
Sa katunayan, sinasamahan pa raw sila ni Gen. Buendia nang puntahan ang POGO Executive.
Para ma-impress lalo ang dayuhan, naka-full uniform pa raw sila dala ang mga high powered guns na pag-aari ng heneral.
Nakaapat na buwan din ang dalawang reservists na nag-secure sa POGO executive. Subalit isang buwan lamang ang natikman nilang sahod.
Ang masaklap, nang manghingi umano sila ng tulong kay Buendia, nagalit pa raw ito at sinabihan silang nangongotong.
Sinubukan na rin daw ng mga nagrereklamo na lumapit sa Department of Labor, sa ‘di maunawaang dahilan subalit dismissed daw ang kanilang kaso. Paniwala ng mga reservists, ginapang daw ang kanilang kaso.
Ang kanilang huling baraha—ang BITAG. Sumagot naman sa aming interview si Buendia at tulad ng aming inaasahan, itinanggi niya ang mga paratang.
Sa tono ng mga sagot ng opisyal na aming kausap, tila wala na siyang pakialam kung nakasahod o hindi, nagutom o naghirap ang kanyang mga army reservists.
Matigas ang kanyang mga dahilan na pinasahod daw ang mga ito. Naninindigan din ang mga nagrereklamo na ayon umano sa among Chinese na pinagsilbihan—naibigay na raw ang bayad kay General.
Nang makaabot sa AFP ang sumbong ng reservists, agad daw sinibak si General Buendia. Nilinaw nila na hindi puwedeng mag-issue ng mission order ang AFP RESCOM sa mga army reservists.
Dito pa lamang, may paglabag na ang inirereklamong general. Matinding akusasyon, malaking pambabalewala at pang-aabuso lalo na’t mainit ang mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng POGO.
Ang siste ngayon, si Gen. Buendia—Imbes tulungan ang mga army reservists na makuha ang kanilang mga sahod, aba’y nagsampa pa umano ng kabi-kabilang kaso.
Kaso sa Ombudsman laban sa opisyal ng AFP RESCOM na sumibak sa kanya at kasong cyber libel naman daw sa mga nagrereklamong reservists.
Kaya si General Buendia, haharap daw ng personal sa BITAG. Siya rin daw ay biktima ng dayuhang POGO executive. Tsk-tsk-tsk! General Problem na ito!
Abangan!