Ang paglaban sa ‘fake news’ para makapagligtas ng buhay

May infodemic sa gitna ng pandemic.
Artwork by Philstar.com

Matinding hirap at pagkapagod na ang idinulot ng kasalukuyang pandemya sa ating buhay at public health system. Mas pinahihirapan ang “world war” na ito ng isang kalaban na ang gamit ay walang-humpay na psychological warfare o guera sa kaisipan.

Ang kalaban na ito ay mapanganib at maabilidad. Kaya niyang pasukin ang ating mga bahay, kung saan akala natin ligtas tayo sa panganib; at kahit na sumusunod tayo sa lahat ng safety protocols laban sa nakamamatay na virus.

Maraming bansag dito, pero maaaring kilala natin ito sa tawag na fake news, disinformation o misinformation.

Ang "infodemic" ng fake news ang sanhi ng duda at kalituhan ng ating mga kaibigan at mga kapamilya tungkol sa benepisyo ng pagpapabakuna — bagay na nakaliligtas ng buhay. Dahil dito, madamin ang takot magpabakuna. At dahil dito, marami nang buhay ang inagaw sa atin. Puno ang ating mga intensive care units ( ICU) ng mga pasyenteng nagsisisi dahil hindi sila nabakunahan. At para sa marami, huli na ang pagsisisi.

Wala pang pormal na gabay kung paano haharapin ang mga nananakot at iresponsableng online influencers na nagkakalat ng maling impormasyon. Hindi madali, pero pwede nating simulan. Kaya lang, para maging matagumpay, kailangan nito ang pagkakaisa ng maraming sektor at stakeholders.

Ang problema ng ‘fake news’ hindi limitado sa Pilipinas. Ito ay problema ng buong daigdig, saan mang may social media at internet. Napatunayan na rin ng mga pag-aaral na mas mabilis kumalat ang fake news kaysa katotohanan, lalo na kung sensational or skandaloso o nakakagulat.

Ang masaklap pa nito, mas mahirap alamin ngayon kung ano ang totoo at ano ang hindi dahil sa style ng mga nagpapakalat ng fake news kung saan pinaghahalo ang katotohanan sa kasinungalingan. Kung pati mga doctor ay naguguluhan, ano pa kaya ang mga hindi doctor? Ika nga nila, ang pinakamabisang kasinungalingan ay yung may kaonting katotohanan..

Sa ilang bansa, nakapag-taguyod na ng mga sistematikong pamamaraan upang matugunan ang infodemic. Marami sa kanila ang nagtipon na ng anti-disinformation task forces, habang ang ilan naman ay nagpapasa ng mga batas para parusahan ang mga nagkakalat ng pekeng balita.

Kamakailan lang ay naglabas ang US Surgeon General ng anunsyo publiko na nagbibigay ng mahuhusay na payo sa bawat stakeholder ukol sa fake news. Pinag-aaralan na rin ang media literacy programs sa mga paaralan upang turuan ang mga bata kung paano nila makikilatis ang mga nasasagap na balita at sa ganoon ay hindi sila madaling maloko. Pwede nating pag-isipang gawin ang mga ito sa ating bayan.

Tinuturuan natin ang mga mag-aaral ng medisina kung paano kilatisin ang mga scientific papers para malaman kung gaano kahusay ang ebidensya ng mga ito. Siguro panahon na para obligahin ang ating mga medical students at clinicians na pag-aralan din kung paano nila puwedeng durugin ang fake news, kung paano sasagutin ang mga katanungan ng mga pasyente sa paraan na hindi masyadong nagdudulot ng pangamba, simple, madaling maintindihan, at may malasakit.

Ang ganitong mga kasanayan at kaalaman ay mahalaga, hindi lang para sa krisis na ito, kung hindi para na rin sa hinaharap. Meron nang mga webinars tungkol dito, pero magandang mapag-isipan na isama ang mga kursong ito sa kurikulum ng mga eskwelahan.

Hindi natin pwedeng pag-usapan ang pagtalakay sa fake news na hindi binabanggit ang mga katuwang natin sa laban. Tinutukoy ko ang mga kapatid natin sa media. Ang kalayaang magsalita (freedom of speech) at kalayaan sa pamamahayag (freedom of the press) ay dalawang magkaibang bagay. Bagama't parehong protektado ng Saligang Batas, may mas malaking responsibilidad ang press freedom.

Pwedeng sabihin ng isang tao ang anumang nais niya sa iba't ibang social media platforms basta hindi libelous o slanderous, at mananatili itong opinyon lamang. Pero kapag ang mga prestihiyosong mass media organizations sa telebisyon or radyo na malawak ang sakop, ang nagbigay ng air time sa taong 'yon para talakayin ang mga ideyang tiwali at mapanganib, madaling isipin na totoo ng publikong nalilito at madaling mapaniwala.

Sa isang pandemya tulad ng nangyayari ngayon, itong uri ng kalituhan ay maaring mauwi sa trahedya.

Dahil diyan, hinihikayat natin ang ating mga media personalities at networks na maging maingat. Iwasan na bigyan ng bahid politika ang mga bakuna o anumang public health measure na napatunayan nang mabisa ng datos sa mundo. Sa digmaang pandaigdig gaya ng pandemyang ito, hindi pwedeng ma-hijack at gawing lunsaran ng maling impormasyon ang ating mga programang serbisyo publiko ang layunin.

Sa panahon ngyon, laganap ang pagkawalang tiwala ng maraming tao. Nawala ang kanilang tiwala sa maraming bayay na noon ay pinagkakatiwalaan. Dahil diyan, napakadaling bumenta ng mga "conspiracy theories" at iba pang mga haka-haka. Gayunpaman, maiintindihan mo rin ito dahil na rin sa labis na pagkakasala ng madami sa ngalan ng pera at kasakiman.

Dahil dito, pati ang mga taong walang vested interest at gusto lamang mamahagi ng kaalaman para makasalba ng buhay, ay napagdududahan. Nakapapagod at nakakadismaya talaga. Sana tulungan kami ng nakararami.

Wala pa tayong playbook sa ngayon kung paano matatalo ang panlilinlang o fake news. Pero kung magtutulungan tayo, mag-iisip bago magsalita o mag-post, isasantabi muna ang mga personal na interes at bangayan para sa kapakanan ng publiko, at simulan ang pag-armas sa ating sarli't mga anak ng kasanayang na kailangan para masala ang totoo sa panlilinlang, kakayanin nating magtagumpay laban sa pandemyang ito sa lalong madaling panahon.

 

--

Si Dr. Minguita Padilla ay ang co-convenor ng Doctors for Truth and Public Welfare. Isa siyang clinical associate professor sa UP-Philippine General Hospital, UP College of Medicine, consultant sa St. Luke's Medical Center Global City at presidente ng Eye Bank Foundation of the Philippines.

Show comments