‘Water cure’ inimbento ng Kano laban sa Pinoy

NOONG Filipino-American War, 1899-1902, unang ginamit ng militar ng America ang torture na waterboarding. Bagong kolonyalista pa lang ang Estados Unidos, at kapapanalo sa unang digmaan nito, laban sa Espanya. Naagaw niya ang mga kolonya ng Espanya na Cuba at Puerto Rico, at sa Treaty of Paris ay binili ng America ang Islas Filipinas mula sa Kastila sa halagang $2 milyon. Nagngitngit ang mga heneral ng Katipunan sa paglapastangan sa minimithing Kalayaan. Kaya ipinagpatuloy nila ang naantalang Himagsikan laban sa bagong mananakop.

Bagamat kulang sa riple, kanyon, at bala, masidhi ang paglaban ng mga Pilipino. Ang mga nabibihag na rebolusyonaryo ng mga Amerikano ay labis na pinahihirapan para umamin kung saan nagkukuta. “Water cure” ang paboritong torture, ani Daniel Immerwahr sa librong “How to Hide an Empire: A History of the Greater United States”. May kanta pa nga ang mga sundalong Kano tungkol sa pagtutugis nila sa mga Pinoy, pagputol ng kawayan, at pagsalaksak nito sa bunganga ng bihag para painomin ng balde-baldeng tubig, hanggang halos pumutok na ang tiyan na parang palaka. Tuwang-tuwa ang mga Amerikano sa pagpapahirap, batay sa mga opisyal na ulat tungkol sa “water cure” ng mga heneral ng U.S. Army sa ilalim ni Arthur MacArthur. (Ginamit din ng Kano ang “water cure” sa mga Vietcong na lumalaban para sa kasarinlan ng Vietnam nu’ng dekada 1960-1970.)

Naging modernong torture ang “water cure” laban sa mga terorista na nabibihag ng mga Kano. Ginamit ito sa Abu Graib prison sa Iraq at sa Guantanamo Bay, Cuba, confinement ng mga Al Qaeda. Hindi na basta pinupuno ng tubig ang bihag. Iniiwasang mamatay ito sa hirap at lunod. Dalawampung segundo binubuhusan ng tubig ang ilong at bunganga, tapos pinapapahinga nang dalawang minuto, tapos uulitin ang 20 segundo ng “patubig”. Kahit ano ay naipapaamin ng torturer sa bihag. Dinetalye ito ni Malcolm Gladwell sa Librong “Talking to Strangers”.

Show comments