SINALAKAY ng mga pulis ng NCRPO ang tahanan ng negosyanteng nanakit ng traffic enforcer sa Makati. Viral ang CCTV kung saan hindi sumunod sa pulang ilaw ang sasakyan nitong si Arnold Padilla at ang kanyang mga bodyguard. Bumaba si Padilla, ang kasamang babae at mga bodyguard at sinaktan ang traffic enforcer. Dinuraan pa umano ni Padilla ang enforcer. Kaya sa pamamagitan ng search warrant batay sa mga reklamo ng mga kapitbahay laban kay Padilla, sinalakay ang tahanan at nadiskubre ang ilang baril at granada. Lisensyado raw ang mga baril at tinanim daw ng mga pulis ang mga granada, ayon kay Padilla.
Marami na umanong reklamo laban kay Padilla. Kaya hindi ako magtataka kung natutuwa na ang kanyang mga kapitbahay sa paghuli sa kanya. Bakit siya may mga granada? Marami bang kaaway, kaya may mga bodyguard na sunod-sunuran din sa kanya? Ayon pa sa pulis, hindi na dapat pinapayagan si Padilla magmay-ari ng baril, dahil sa pekeng resulta ng drug test na ibinigay sa pulis noong 2015. Bakit magbibigay ng pekeng drug test? Gumagamit ba ng droga? May balita pa na pinatay niya umano ang kanyang sariling kapatid sa pamamagitan ng regalong-granada, dahil sa mana. Mabuti na at hawak na ng pulis.
Pero kung ang mga hinihinalang sangkot sa droga ay namamatay na lang sa kalsada, si Padilla naman ngayon ay nasa St.Luke’s Global City, dahil sa mataas daw na BP. Nag 160/90 noong nasa presinto, kaya dinala sa St. Luke’s. Ano naman kaya ang patakaran sa pinipiling ospital ng mga pulis kung saan dadalhin ang suspek? Katulad nito, bakit sa St. Luke’s pa? Ang suspek ba ang nagsasabi kung saan siya dadalhin? Lahat ba ng suspek na sumisipa ang blood pressure ay sa St. Luke’s ang tungo? O depende sa kakayanan ng suspek at siya ang magbabayad? Matatawa ka na lang talaga. Noong sinasaktan at minumura ang enforcer, hindi ba sumipa rin ang blood pressure niya? Pero hindi naman kinailangang dalhin sa ospital, hindi ba? Pero noong nasa presinto na, kailangan dalhin at may seryosong kundisyon daw sa puso.