NARANASAN kong mag-Pasko sa ibang bansa sa unang pagkakataon noong 1989. Nag-aaral ako ng Publishing Studies sa graduate school ng University of Stirling sa Scotland. Nakakuha ako ng scholarship mula sa British Council. Kalilipat pa lang ng kapatid ko na isang nars sa Amerika. Sinabi niya na gusto niyang may kasama sa kanyang unang Pasko sa labas ng bansa. Kaya nag-apply ako ng US visa sa embassy ng Amerika sa London.
Makapal ang snow nang araw na iyon. Na-late ako ng dating sa embassy, dahil nag-tren pa ako galing sa Scotland. Mabagal ang andar ng tren dahil puno ng snow ang mga riles. Sinabi ko ito sa consul at napangiti lang siya.
Pagkatapos ay tinanong niya na ano raw ang gagawin ko kapag hindi niya ako binigyan ng US visa para mag-Pasko sa Amerika? Ang sabi ko, Eh di pupunta na lang ako sa Paris, may mga kaibigan ako roon at mas malapit pa.
Bakit daw hindi ako nag-apply ng US visa sa Maynila? Ang sabi ko, masyadong mahaba ang pila ng mga nag-aapply.
Nakita niyang estudyante ako sa Scotland at ang susunod niyang tanong ay ganito. Paano raw kung isang araw ay mag-aral ako sa Amerika at alukan ako ng teaching job ng aking unibersidad? Ang sabi ko, “Syempre, tatanggapin ko ang alok.”
Pumasok siya sa loob at nag-check ng pangalan ng kapatid ko at paglabas ay tinatakan na niya ang passport ko. Multiple entry, with no time limit. Aba. Eto pala ang napapala mo kapag diretso at totoo ang sinasabi mo sa consul.
Naghanap ako ng pinakamurang flight mula London to New York. Nahanap ko ang Air New Zealand. Nag-stop over ito sa Gander, Newfoundland. Tanong ng katabi kong taga-New Zealand, “Where is Newfoundland?” Sabi ko nasa northern part ng Canada.
Pinababa kami sa airport ng Newfoundland at naglakad nang malayo papuntang terminal. Sobrang lamig ng hangin at bumabagsak ang snow. Ang sabi ng mag-asawa sa tabi ko, habang naglalakad kami, “Oh my God, we are from Texas.”
Nang sinabi kong, “And I am from the Philippines,” ang sabi nila, “Oh you poor boy.”
Malamig din paglapag namin sa New York, pinakamalalang snow in 40 years daw, sabi ng New York Times. Pero at least, nakita ko ang kapatid ko, naglibot ako sa New York, at pagkatapos ay pumunta kami sa Maryland kung saan nakatira ang mga pinsan ko. Nag-drive kami papuntang West Virginia kung saan nakatira ang pinsan kong doktor. Sa gitna ng milya-milyang snow, ang naaalala ko’y ang pagkaing Pinoy na aming niluto at kinain --adobo at arroz caldo at leche flan. HIndi ko ito ipagpapalit sa mga sosyal na pagkaing inihanda sa akin noong ako’y estudyante pa sa bonnie Scotland.