KAMAKAILAN lang, matapos ang malagim na pambobomba sa Paris na ikinasawi ng daan-daan katao, si Pope Francis mismo ang nagsabi na tila ang daigdig ay humaharap na sa ikatlong digmaang pandaigdig. Alam ng lahat na ang mga pambobombang ito na nagaganap sa iba’t ibang lupalop ng mundo ay kagagawan ng mga Islamic extremist na kung tawagin ay ISIS.
May mga naniniwala na talagang nasa kalagitnaan na natin ang World War II lalu pa’t nagdeklara na ng pakikidigma si US President Barack Obama laban sa terorismong umiiral sa daigdig. Ito’y bagay na inayunan ng United Nations. Ilang dekada na rin na nagaganap ang mga pambobombang ito kung tutuusin. Maituturing nating pinakamatindi ang sinadyang pagbangga ng dalawang commercial planes sa Twin Towers ng World Trade Center sa New York noong Sept. 1, 2001.
Ang digmaan daw ay maituturing na pandaigdig kapag may lima o higit pang bansang nasasangkot sa armadong sagupaan. Pero ang kalaban ngayon ay hindi bansa kundi mga religious extremists na handang maghasik ng ligalig at pumatay ng maramihan alang-alang sa kanilang pananampalataya.
Mayroon din namang mga bansang nasasangkot sa sigalot. Halimbawa, ang China ay nagpapakita ng taglay nitong kapangyarihang militar at pang-ekonomiya sa mga teritoryong may pag-aangkin ang ibang kalapit na bansa. Naririyan pa rin ang matagal ng sigalot na nauuwi sa armadong pananalakay sa pagitan ng mga Palestino at Israel. Kamakailan ay isang eroplanong Ruso ang pinabagsak sa Turkey na napabalitang hudyat ng digmaang pandaigdig. Maaaring may paranoia lang ang mga nagbibigay ng ganyang konklusyon pero talagang nalalagay na tayo sa ingit ng isang malawakang digmaan na posibleng maging dahilan ng tuluyang pagkawasak ng buhay.
May nasisilip na tayong pagkakampihan ng mga bansa upang labanan ang ibang bansa na malinaw na indikasyong lumulubha ang kaayusang pandaigdig. Sakali mang sumiklab (huwag naming itulit ng Diyos) ang pandaigdig na digmaan, magiging kakaiba ito dahil hindi lang ekonomiya at politika ang mga isyung paglalabanan kundi kasama na ang relihiyon.
Maliit lang ang daigdig kung tutuusin, at ito ay nilikha para sa kapakinabangan ng lahat ng tao ano man ang kulay, kultura o pananampalataya. Pero sa sandaling ang mga tao ay magpapatayan dahil sa kanilang paniniwala at hindi gagalangin ang karapatan ng bawat isa, diyan na talaga magsisimula ang pagkawasak ng mundo.