NOON, masasabi na ang Maynila ay napag-iwanan na ng ibang mga lungsod sa National Capital Region. Tinatawag ito noon na “car theft capital’’; pang-36 sa 38 highly urbanized cities sa bansa; at ang Manila’s Finest ay kinukutyang “Manila’s Worst.”
Ngayon sa ilalim ni Manila Mayor Joseph Estrada, nagsisimula na ang urban renewal ng ating punong lungsod. Maihahanay na ito sa mga siyudad na may pinakamaayos na pamamahala. Ang Maynila ay nangunguna na at nakakuha ng 1st place Overall Most Competitive Highly Urbanized Cities mula sa National Competitiveness Council of the Philippines.
Bukod dito, nakatanggap din ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng Seal of Good Housekeeping mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil sa mahusay na pagpapatakbo ng pamahalaan nito sa aspeto ng development planning, resource generation and allocation, human resource management, at iba pa.
Dahil sa mga komprehensibong paghahanda na inilatag ng lungsod para sa kalamidad at kaligtasan ng mga mamamayan nito, binigyan din ang Maynila ng Seal of Disaster Preparedness.
Samantala, ang mga pulis ay matatawag talagang Manila’s Finest. Nagpakitang-gilas ang mga awtoridad sa paghuli ng 94 mula sa 110 Most Wanted Persons sa Maynila at nalansag na ang iba’t ibang sindikato rito. Gayundin, itinaguyod ng mga pulis ang kampanya laban sa illegal drugs at loose firearms. Sa tala noong Hulyo 2015, naaresto ang 317 drug pushers sa Maynila at nasabat ang shabu worth P43 milyon.
Maging ang kanilang mga kagamitan at benepisyo ay naigawad sa pulis Maynila. Sa tulong ng iba’t ibang Filipino-Chinese groups ay nabigyan ng patrol cars at mga personal transporters upang mas mabilis ang kanilang pagresponde sa krimen. Nadagdagan din ang operational capacity ng Manila Police District dahil sa dagdag na motorcycles, radio equipment at iba pang gamit at kasanayan. Dahil sa kanilang mahusay na pagganap sa tungkulin ay tumanggap din sila ng financial assistance na umabot sa P89 milyon – mga allowance na matagal nang hindi naipagkaloob sa kanila noon.
Tiyak na marami pa tayong aasahang positibong pagbabago tungo sa ganap na urban renewal ng Maynila na tunay nating ikararangal at maipagmamalaki.