IBA NA ANG PANAHON NGAYON. Ang mga ina ay kaya na ring maging tatay. Lahat ng pagkakakitaan sa ligal na paraan kaya nilang pasukin para maitaguyod ang kanilang mga anak at hindi na basta umaasa sa sustento ng kanilang mga asawa na humiwalay na sa kanila.
Isa sa mga inang gaya nito ay si Mary Grace Agra na may dalawang anak na siyam na taong gulang at limang taong gulang ang mga ito.
Kwento niya ‘seaman’ ang kanyang mister. Anim na taong silang nagsama bilang mag-asawa pero apat na taon na silang hiwalay.
“Nung nagsasama pa kami siya talaga ang nagtatrabaho. Ako naman housewife pero nagtatrabaho rin. Patigil-tigil nga lang,” ayon kay Mary Grace.
Nang magpasya silang maghiwalay ng kanyang mister nung 2011 siya na ang nagtaguyod sa kanilang dalawang anak. Hindi na siya umasa sa sustento lang na pwedeng ibigay ng mister.
Pareho nang nag-aaral ang mga bata kaya’t doble kayod ang ginagawa niya. Nakatira sila sa Carmona Estates sa Carmona Cavite. Isang komunidad na itinayo ng kilalang developer na Property Company of Friends Inc. O PRO-FRIENDS.
“Nag-aahente ako ngayon sa sa PRO-FRIENDS at maganda naman ang aking kinikita,” kwento ni Mary Grace.
Mas madali daw sa kanya ito dahil hindi na niya kailangang lumayo. Kapag may tripping wala siyang problema dahil sa Carmona lang siya nakatira.
Isa pa sa kanyang pinagkakakitaan ay ang online nila sa komunidad. ‘Community Tiangge’ kung tawagin nila ito sa Carmona Estates. Eksklusibo ito sa mga taong nakatira sa komunidad na ginawa ng PRO-FRIENDS.
Nagsimula lang ito bilang grupo nilang mga homeowners hanggang sa nagkaroon na sla ng Community Tiangge.
“May grupo kami sa Facebook na puro mga homeowners. Dun namin ipinopost ang mga paninda ng bawat isa,” ayon kay Mary Grace.
Wala silang pwesto kaya hindi na makakadagdag pa sa kanilang gastusin ang pagbabayad ng lugar. Mag-oonline lang ang customer at pwede na silang umorder.
Iba-ibang uri ng produkto ang tinitinda sa Community Tiangge. Si Mary Grace pagkain, sabon, dishwashing liquid at juice ang napiling ibente. Ang mga kasamahan naman niya damit at sapatos ang produkto.
“Iniiwasan din kasi namin na magkaroon ng pare-parehong paninda,” wika ni Mary Grace.
Puro homeowners ang miyembro ng kanilang grupo kaya ito lang din ang kanilang mga mamimili.
Ang kalakaran nila kukuha muna ng mga order ang nagbebenta tapos magbibigay ng petsa kung kailan ito ide-deliver. Kapag nadala na nila ang produkto sa bahay ng customer saka na sila babayaran.
“Ako scooter ang gamit ko pag naghahatid ng produkto. Ayos naman ang kita. Kaunting taas lang sa presyo. Iniisip din kasi namin na maraming mga nanay na ayaw ng lumabas dahil busy sila,” salaysay ni Mary Grace.
Kabi-kabila man ang pinapasok na trabahp at raket ni Mary Grace sinisiguro niya namang may panahon siyang nailalaan para sa kanyang anak.
Sumasapat naman ang kanyang kinikita sa kanilang pangangailangan. Mas gusto niya din ang ganitong trabaho dahil natututukan niya ang dalawang bata.
Tinanong namin ang Psychologist na si Camille Garcia kung anong bentahe ng isang ina na lumalabas na tatay-nanay.
Unang-una daw kapag sinabi mong may multiple job ang isang magulang alam kaagad nila kung paano mamanage ang kanilang oras.
“Dun ka bibilib sa kanila dahil pwedeng magkaroon ng pagkakataon na umabot sa apat na trabaho ang pasukin niya. Hindi tungkol sa pangangailangan ang pinag-uusapan dito kundi kung paano nila namamanage yung oras na aabot sa puntong pwede sa lahat ng klase ng pagiging ahente,” salaysay ni Ms. Camille.
Pwede siyang pumasok bilang ahente ng lupa, ahente ng kotse at kung anu-ano pang bagay. Kung susuriin mo kasi iisa lang naman ang field nito iba-ibang produkto lang ang binebenta.
Ang mga nanay ay magaling sa ‘public relations’ kaya alam mo na kahit papaano kung kailan at kung paano siya makakabenta ng maayos na hindi na kinakailangan na magmakaawa sa mga customer.
“Isang magandang perspective dito yung karanasan niya na siguro ang motivating factor na nandin yung mga anak, pangalawa dahil kasi kailangan niyang gawin ito,” wika ni Ms. Camille.
Ang pangatlong nakakatulong kay Mary Grace ay ang pagmamahal niya sa kanyang trabaho. Hindi siya aabot sa puntong tatlong trabaho kung hindi niya ito pinapahalagahan.
Araw-araw niya itong ginagawa na wala man lang pahingi. Kapag sinabi mong ahente ka kahit anong oras pwede kang tawagan ng customer. Kalimitan pa naman sa mga ito ay Linggo lang bakante dahil nagtatrabaho din naman. Dito mo makikita kung gaano kagaling na ina si Mary Grace dahil alam niya kung paano paghati-hatiin ang kanyang oras.
Marami sa mga nanay ang tulad ni Mary Grace ngunit ang ikinaganda lang nito ay nakakapagtrabaho siya sa kanilang komunidad at nakatulong ang PRO-FRIENDS para mas mabigyan niya ng panahon ang kanyang anak.
Hindi na niya kailangang lumayo at kapag kinailangan siya ng kanyang mga anak ay makakarating siya kaagad. Nakakahanga ang tulad ni Mary Grace at mabuti na lang at may komunidad silang tinitirhan na magkakaramay sila para matulungan ang bawat isa.
PARA SA ANUMANG REAKSIYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618