KAHINDIK-HINDIK ang nangyari sa overseas worker na si Joven Esteva na pinugutan ng ulo sa Riyadh, Saudi Arabia noong Lunes ng hapon. Si Esteva, family driver ay hinatulan ng kamatayan dahil sa pagpatay umano sa kanyang amo at pagkasugat sa anak nito noong 2007. Naaresto siya at kinulong sa Malaz Jail hanggang bumaba ang hatol na kamatayan.
Pero ang nakalulungkot, hindi man lamang nasabihan ang pamilya ni Esteva na pupugutan na pala ito. Sabi ng maybahay ni Esteva na si Nerlyn, nakausap pa siya ng kanyang asawa noong Lunes ng umaga ganap na alas onse ng umaga at nagimbal siya nang malaman na pinugutan na pala ito ng hapon din na iyon. Bakit napakabilis ng pangyayari? Bakit hindi sila nasabihan na igagawad na pala ng araw na iyon ang hatol?
“Napakasakit!” sabi ni Nerlyn, 39, nang kapanayamin sa kanilang bahay sa Koronadal City, Cotabato habang yakap ang bunsong anak. Apat ang anak nila ni Joven na edad 16, 14, 13 at 11. “Bakit hindi ipinaalam sa amin ng Philippine authorities na pupugutan na ang aking asawa?” Kasunod ay ang pagluha ni Nerlyn.
Sabi pa ni Nerlyn, nalaman lamang umano nila ang sinapit ng kanyang asawa nang isang kapitbahay ang nagsabi sa kanila. Napanood umano ng kapitbahay ang balita na sinasabing pinugutan na ang asawa sa Riyadh.
Ayon kay Nerlyn, inamin umano ng kanyang asawa ang pagpatay. Nagawa umano ito ng asawa makaraang hindi payagang makauwi ang kanyang asawa sa Pilipinas dahil meron itong sakit at insomnia. Ayaw umano itong bigyan ng perang pambili ng ticket sa eroplano para makauwi. Para makauwi ang asawa, pinadalhan nila ito ng pera pero ang nakatanggap ay ang amo nito at ayaw ibigay sa kanya. Nagtalo sila ng amo at napatay ito. Nagtangka ring magpakamatay ang kanyang asawa.
Ang masaklap, hindi na maiuuwi ang bangkay ni Esteva dahil nilibing na.
Kawawa ang ilang OFW na nakaranas ng pagmamaltrato at pinabayaan ng gobyerno ng Pilipinas. Sa kaso ni Esteva, malabo kung naayudahan siya ng gobyerno dahil sa bilis ng paggawad ng parusa. Nabigyan ba siya ng abogado? Nadalaw ba siya ng Embassy officials sa kulungan? O pakuya-kuyakoy lang sila sa malamig na tanggapan. Kawawa ang mga “Bigong Bayani”.