HINDI na bago ang sinasabi ng pamunuan ng Civil Service Commission (CSC) hinggil sa mga “pinagsasamantalahang” empleyado sa mga tanggapan ng gobyerno.
Ang reyalidad, hindi lang ito nangyayari sa mga opisina ng pamahalaan kundi maging sa mga pribado rin. Kung tutuusin pa nga, mas marami pang kaso ng sexual harassment sa mga unibersidad at paaralan na hindi na napag-uukulan ng atensyon at pansin.
Mga kolehiyalang magaganda at may hitsura ang kadalasang nabibiktima rito. At ang karaniwang mga inirereklamo, instructor, propesor, dean at iba pang may mga katungkulan sa paaralan. “Kwarto o Kwatro” kung tawagin namin ito sa BITAG.
Dalawang opsyon lang ang iaalok kapag bagsak ang estudyante. “Kwarto,” ibig sabihin, sasama sya sa motel para pumasa. “Kwatro” naman kung ayaw sumama at pipiliin nitong bagsak nalang.
Hindi ito gawa-gawang kwento. Ito ay base sa mga aktuwal na sumbong at reklamo sa loob mismo ng eskwelahan. Inilalapit sa aming tanggapan lalo na kapag malapit na ang graduation at pagtatapos ng semestre.
Kahapon, naging sentro ng aking talakayan sa BITAG Live ang sinabi ng hepe ng CSC na si Francisco Duque. Mayroon daw komite na tumututok sa kaso ng mga sexually harassed na empleyado ng gobyerno.
Ang hubo’t hubad na katotohanan, marami ang nagdurusang tahimik sa pananamantala ng kanilang mga lider, namumuno, amo o “bossing.”
Subalit, dahil sa kasalatan at tindi ng pangangailangan sa trabaho, pinipili nalang nilang tumahimik at hindi magsalita. Napipilitang pumasok at magtrabaho sa kabila ng literal na pambabastos ng kanilang mga itinuturing na boss.
Sila ‘yung mga namumuno sa mga tanggapan o departamento na may maitim na balakin. Ginagamit ang kanilang kapangyarihan at katungkulan o titulo para maka-iskor.
Karaniwang nagsisimula ito sa mga simpleng katuwaan lang o ‘di naman kaya sa mga simpleng parinig ng “green jokes” o mga birong “may laman.” Na kapag narinig ng isang empleyado lalo na kung babae, hindi magiging komportable.
Intensyon ng mga putok sa buhong bossing na ito na subukan ang kanilang tauhan kung kakagat ba, makikiayon o makikisakay sa kanilang mga banat.
May ilan din namang kunwari’y mang-aakbay pero ang totoo pala nilang motibo ay manghipo sa mga maseselang bahagi ng katawan. Pasimpleng aamuyin ang buhok, makikipag-holding hands o ‘di naman kaya magtatanong ng posisyon.
Hindi malinaw sa kanilang pilyong tanong kung posisyon ba sa opisina o sa kama ang kanilang tinutukoy.
Kaya sa mga empleyado at estudyante na nakakaranas ng anumang uring pang-aabuso, bukas ang programang BITAG, BITAG Live at BITAG T3 sa inyong mga reklamo at sumbong.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.