Suhol scam sa Ampatuan?

Problema ng bansa ay hindi matapos

dahil ang mahirap ay naghihikahos;

ang Napoles scam ay hindi pa solve

at may bagong scam na tila sumulpot?

 

Tulad nang nabulgar na nagkasuhulan

doon sa paglitis kasong Ampatuan;

limang taon itong pinaglalabanan

sa ating husgado’y walang katapusan!

 

Kung ito’y totoo dapat na alamin

ng ating gobyerno’t dapat resulbahin

at ang katarungan ay agad tanggapin

ng nanga sa media doon ay nalibing!

 

Maraming ulilang kapatid, magulang

na ang tanging hangad nila’y katarungan;

mga abogado biglang nag-alisan

pagka’t mayr’ong lakas na nakikialam?

 

Ang lakas na ito sabi nang marami

ay waring sinadya na upang mangyari

kaso ay ma-delay at dito’y mangyari

mga Ampatuan ay muling maghari?

 

Dahil malapit na ang ating halalan

Maguindanao voters lubhang kailangan

doo’y pera’t lakas ang maglalabanan

mga nasa poder pupwesto na naman?

 

Kung tama ang hula nang maraming tao

suhula’y pakana ng nasa gobyerno;

simula na ngayon nang malaking gulo

likha ng eleks’yong unahan sa pwesto!

 

 

Kaguluhang ito’y sasabog sa bansa

tiyak mangyayari kung tama ang hula;

taga-media’t hinding nalibing sa lupa

matagal-tagal pang tuloy na luluha!

Show comments