NAPAGKUWENTUHAN namin ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ang matagal nang problema ng Mindanao sa enerhiya, partikular sa supply ng kuryente.
Ang mga insidente ng brownout ay malaking hadlang sa pag-unlad ng Mindanao. Matatandaang pagkatapos ng systemwide brownout doon noong Pebrero 27 ay napaulat na nakararanas pa rin ang mga mamamayan ng kawalan ng kuryente.
Lumabas pa ang impormasyon na magtatagal pa umano ang dalawang oras na brownouts hanggang dalawa o tatlong buwan bago magbalik sa normal ang suplay ng enerhiya sa rehiyon. Ang Maguindanao ay sinasabing nakakaranas ng 10 oras na brownout o mas matagal pa.
Ang ganitong mga brownout na naranasan na rin noong isang taon dahil din sa kakulangan ng suplay ay patuloy na pinuproblema pa rin ng mga residente hanggang ngayon.
Sinabi ng Malacañang na posible pang magtuluy-tuloy ang nararanasang brownouts hanggang 2015, o hanggang maging operational ang dalawang bagong power plants sa lugar. Humingi rin ang pamahalaan ng pasensya at kooperasyon ng mga mamamayan sa nararanasang krisis sa kuryente, at sinigurong ginagawa nila ang lahat ng paraan at tinututukan ang sitwasyon upang maresolba ito.
Kasunod nito ay dumaing na rin ang mga mamumuhunan sa masamang epekto ng brownouts na ito sa operasyon ng kanilang negosyo.
Ang kawalan ng kasiguruhan sa suplay ng enerhiya at kuryente ay malaking hadlang sa pag-unlad ng alinmang lugar. Ito ay lalong totoo sa Mindanao laluna’t ang naturang rehiyon ay matagal nang apektado ng mga negatibong kaganapan tulad ng mga sigalot. Ang mga brownout na ito ay malaking hadlang sa paghikayat ng mas marami pang investors sa rehiyon upang makalikha nang mas marami pang trabaho para sa mga mamamayan. Kailangang masolusyunan agad ang problemang ito.