‘Muling buksan ang sugat’

MINSAN ASANG-ASA ka na makukuha mo na ang bagay na matagal mo ng hinihintay. Huwag kang mabahala kung matagalan ito dahil sa bandang huli, mas masarap lasapin ang tagumpay.

Amin nang naitampok sa aming pitak ang kwento ng pamangkin ni Dindo Cruz, 55 taong gulang na taga Mindoro na itinago namin sa pangalang “Kaye”. Pinamagatan namin itong ‘Kaye Trese’.

Trese anyos pa lamang umano itong si Kaye nang una siyang galawin ng kanyang tiyuhin na si Glicerio Sevilla.

May sakit sa pag-iisip ang ina ni Kaye kaya naman nang walong taong gulang si Kaye napagdesisyunan ng tiyahin niyang si Carmen na itakas ito at dalhin sa kaibigan. Kalaunan itinira ito sa kanyang tiyahin na si Belen dahil nagtatrabaho si Carmen sa Kuwait.

Abril ng taong 2011 nang sapilitan siyang gamitin ng tiyuhin niyang si Glicerio.

Magmula nun nag-iba na ang pakikitungo ni Kaye sa tiyuhin at halos hindi na ito umuwi. Madalas ay nakikitulog na lamang siya sa kaibigan.

Para makaalis sa kanyang tinitirhan, pati pagnanakaw ay nagawa niya.

Napansin ni Belen ang pagbabago kay Kaye kaya naman inusisa nito ang pamangkin. Agad namang nagsabi ng totoo ang dalagita.

Oktubre ng taong 2012 nang dalhin sa isang ‘mental institution’ si Kaye dahil sa depresyon. Nagkaroon umano ng ‘phobia’ si Kaye sa mga lalaki kaya binabato niya ang mga ito kapag lumalapit sa kanya.

Nang mabalitaan ni Carmen ang nangyari umuwi siya rito sa Pilipinas. Hiniwalayan naman ni Belen ang asawa at kasalukuyan nang nilalakad ang pagpapawalang bisa ng kanilang kasal.

Si Dindo ang inutusan ni Carmen na magsampa ng kaso laban kay Glicerio.

Ika-19 ng Setyembre 2013 nang mag-file ng kasong ‘Rape’ sina Dindo.

“Wala pang hearing pero nabalitaan kong may dumating na subpoena kaso hindi natanggap nung akusado,” wika ni Dindo.

Nakiusap umano ang kapatid ng kanyang bayaw na si Mira upang iurong nila ang demanda.

“Hindi namin pinansin yun dahil pursigido talaga kaming makasuhan si Glicerio,” ayon kay Dindo.

Nobyembre 5, 2013 nang mag-text si Glicerio kay Dindo.

“You should initiate action before it’s too late. Ikaw ang kasangkapan ng panginoon sa pagkakaroon ng pag-ibig, kapatawaran, pananalig sa Diyos, pag-asa, pagsasaliwanag at kapayapaan sa ating pamilya. Sana’y hindi dumanak ang D…God bless,” laman umano ng text.

“Puro pagbabanta ang tine-text niya sa akin,” ani Dindo.

Ilang ulit daw siyang tine-text nito at sinasabihang iurong na ang demanda.

“I’m sorry bayaw kung nape-pressure ka. Alam ko namang napipilitan lang si Kaye dahil kay Carmen,” text umano sa kanya ni Glicerio.

Inaalok din umano sila ng isang milyong piso kapalit ng pag-urong nila sa demanda.

“Dati kasi yang seaman. May ari-arian sa Rizal at may conjugal property sila ng kapatid ko. Dun niya siguro kukunin ang isang milyong iniaalok niya,” salaysay ni Dindo.

Disyembre ng taong 2013…nagbalik si Glicerio sa bahay ni Belen.

“Humihingi siya ng tawad sa kapatid ko, kay Kaye at sa mama namin. Bigla na lang siyang umiyak,” kwento ni Dindo.

Kababata niya si Glicerio at hindi niya akalain na gagawa ng ganitong bagay ang dating kaibigan. Duwag umano ito at madalas umiwas sa gulo.

“Nung mag-seaman siya saka lang nagkabisyo,” sabi ni Dindo.

Hindi umano nakapagsumite si Glicerio ng kontra-salaysay. Napag-alaman ni Dindo na noong ika-17 ng Disyembre 2013 nag-file umano ng ‘Motion to Re-open for Reinvesigation’ itong si Glicerio.

“Hindi namin alam kung papaano ito kokontarahin,” pahayag ni Dindo. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Dindo.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi nakapagsumite si Glicerio ng kanyang kontra-salaysay kaya naman ‘submitted for resolution’ na ang kaso.

Nag-file ng ‘Motion to reopen for reinvestigation’ ang kampo ni Glicerio dahil nais nilang magsumite ng kontra-salaysay. Marami silang maaaring gamiting dahilan para mapagbigyan sila ng Prosecutor. Isa na rito ang hindi nila pagkakatanggap ng subpoena.

Bahagi ng ‘Preliminary Investigation’ ang pagkakaroon ng ‘due process’. Nakapaloob sa ating saligang batas na ang akusado ay may karapatan na harapin ang nang-aakusa sa kanya. Ang anumang paratang na ipinapataw sa kanya ay mabigyan siya ng pagkakataon na masagot ito at madinig kung ano ang kanyang depensa.

Ang sinasabi niyang hindi niya natanggap ang subpoena dapat ikaw mismo Glicerio ang gumawa ng paraan upang malaman kung may hearing ba kayo. Alam mo namang maigi na may kinakaharap kang reklamo laban dito sa pamangkin mong si Kaye.

Sa dulo dulo nito, para hindi sabihing minadali ang kaso laban sa ‘yo at para pakitang walang kinikilingan ang taga-usig, pinagbibigyan buksan muli ang kaso para tanggapin ang kanyang kontra-salaysay.

Maliban na lamang kung gawa na ang resolusyon at nailabas na. Ibang motion naman ang kailangan dito.

Bagamat matatagalan ng kaunti ang paglabas ng resolusyon, sa kalaunan magiging pabor din sa inyo na nagkaroon ng masusing preliminary investigation.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd.,  Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments