Ang masarap para sa isa, maaring lason para sa iba, ngunit ang pinagmumulang usok lang naman nito ay ang kumukulong poot na maka-buwelta sa ngalan ng “kapatiranâ€.
Ganito ang mabuhay sa loob ng bilangguan basta’t sumapi ka sa pangkat ng isang gang.
Ang temang ito ay pangkaraniwan na sa loob ng mga ‘city jail’, tulad ng nangyari noong Enero 1, 2013 sa Metro Manila District Jail (MMDJ) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Itinampok namin nung nakaraang araw sa aming pitak ang naganap na pagpatay noon sa isang miyembro ng “Commandoâ€, sa kagagawan umano ng dalawang miyembro ng “Sputnikâ€.
Dahil dito, dinagsa kami ng mga Lady Sputnik (mga misis ng mga Sputnik) upang ihingi ng tulong ang sitwasyon ng kanilang mga mister.
Protesta nila ang hindi umano patas na hatol ni Warden Manuel Bangasan at ang mga tao nito sa Beaureu of Jail Management and Penology o BJMP doon.
Inalam namin ang tungkol sa bagay na ito at nung matawagan namin si “Patrickâ€(hindi tunay na pangalan)—isang inmate na Sputnik, nalaman namin ang pinagmulan ng nangyaring pagpatay.
Sa sistema raw sa kanila, mistulang kuryenteng nadikit sa bakal ang paglakad ng mga sigalot. Isang ka-kosa raw nila ang pinatay sa Kalookan City Jail at ang tinuturong gumawa ng pagpaslang (na isang miyembro ng Commando) ay nalipat sa Bagong Diwa.
Hindi pa man daw nag-iinit ang puwet nito, naitimbre na mula Kalookan ang nangyari.
Kinagabihan pagkatapos ng salubong sa Bagong Taon, wala raw kaalam-alam ang lahat ng miyembro, titirahin daw pala ng dalawa nilang ka-kosa sa loob ang bagong saltang miyembro ng Commando.
Epekto nito, binangasan ng parusa ang buong pangkat. Pinagwawarak lahat ng tarima, pinagsisira ang lahat ng mga damit, unan, bentilador at iba pang mga gamit hanggang sa wala nang natira.
Mala-bartolinang selda ang pinaglagyan sa kanila, dahil wala silang tubig at kuryente, bukod sa ilang araw na silang naka-brief lang.
Gusto sana ng mga misis ng Sputnik na mapadalahan ng pagkain at gamit ang kanilang mga asawa ngunit simula nung araw ng insidente ay pinagbawalan na ang dalaw. Hiling ng mga Lady Sputnik na matulungan ang kanilang mga asawa sa kanilang kundisyon doon.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat†ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang problemang ito ng mga asawa ng Sputnik gang.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, mahirap magpatakbo ng isang bilangguan. Ang una mong dapat isipin, halos lahat ng mga nandun ay mga may kasong nakabinbin at ang iba naman ay gumagamit ng mga ilegal na droga kahit nasa loob. Kadalasang ang mga bagong pasok na preso ay sumasapi sa isang gang, ang problema dito, pag napa-trobol ang isa, lahat sila dapat lumaban. Posibleng pinag-utos ni Warden Bangasan na wasakin ang mga tarima, mga unan, mga damit at iba pang gamit upang tignan kung may mga patalim, mula sa pag-iingat ng Sputnik, para hindi na lumala ang sitwasyon. Ang warden kapag nalagasan ng preso, kadalasan dahil sa isang ‘one strike policy’, sinisibak ito (eh malaki pa naman ang delihensya sa kulungan, tama ba warden?).
Ang dapat sanang pairalin kung ikaw ay isang magaling na bastonero ay imbestigahan at parusahan kung sino lang ang mga taong sangkot. Hindi yung “shotgun approach†kung saan lahat sila may parusa at may latay. Tirang tamad yan warden! Isa pang puwedeng dahilan kung bakit ganito na lang ang mga kinilos ni warden, ay para hindi na maging serye ng patayan ito sa pagitan ng Sputnik at Commando. Hindi rin naman tama na ang mga pagkain tulad ng bigas ay itinatapon, Sayang naman ang pagkaing puwedeng pakinabangan dahil napakaraming tao ang nagugutom. Ang dapat na gawin dun ay halukayin ng mabuti kung may nakahalong patalim, mga pinira-pirasong parte ng baril at bala, at dun na sa loob kukumpunihin.
Hindi pa naman huli ang lahat warden, nakuha mo na ang iyong higanti, nailabas mo na ang init ng iyong tambutso, hindi kaya oras nang bumitiw ka na habang lamang ka pa? O gusto mo bang makaladkad at maihabla pa sa Commission on Human Rights para mas lalong mabigyan ng espasyo sa media, air time sa radyo at telebisyon at tuluyang masibak ka na? Iniiwan namin ang desisyon sa’yo. Malaki ka na, kaya mo nang magpasya at manindigan kung ano man ang kahihinatnan nito.
Enero 9, 2013 nakipag-ugnayan kami kay Commision on Human Rights Chairperson Loretta “Etta†Rosales upang iparating ang hinaing ng mga Lady Sputnik. Dininig mismo ni Chaiperson Rosales ito at minungkahing pumunta kay Dr. Renante A. Basas, ang pinuno ng Assistance and Visitorial Office
 ng CHR para alamin ang sitwasyon sa Camp Bagong Diwa.
Kinabukasan sinamahan agad sila ng mga imbestigador mula sa CHR-National Capital Region Investigation Division sa pangunguna ni Investigator 3 Nicanor Agustin at Investigator 1 Michael Carino.
Sa unang araw ng pagpunta, walang Warden Bangasan at Tinyente Rosentales ang humarap sa kanila pagkatapos ng isang oras na paghihintay dahil namimili raw ng grocery si warden.
Enero 19 bumalik ang mga imbestigador at doon na nakaharap si Warden Bangasan.
Mismong ang Chief ng CHR-NCR Investigation Division na si Atty. Carmelita Rosette ang nagbigay ng berbal na ulat ukol sa imbestigasyon.
Paliwanag ni Warden Bangasan na ang naganap na paghihigpit ay ginawa para hindi na raw masundan ang unang insidente ng pagpatay. Inaasahan na umano nilang bubuwelta ang mga miyembro ng Commando gang sa ginawa ng dalawang kasangkot sa pagpatay na mula sa pangkat ng Sputnik.
Hinihiling ni Warden Bangasan sa mga mga misis ng Sputnik gang na bigyang panahon ang kanilang ginagawang “pagpapahupa ng init†sa loob. Ang tanong ngayon, kelan mo luluwagan ang mga taong iyong pinahihirapan warden? Paano na ang mga nakalistang pagpapahirap na binabato sa’yo ng mga lady Sputnik?
(KINALAP NI PAULINE VENTURA)
Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784393 . Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari rin kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
Follow us on twitter: Email: tocal13@yahoo.com