MANILA, Philippines — “Ang isang bahay ay hindi magiging isang tahanan kung walang matatag na kabuhayan ang mga nanunuluyan”.
Ito naman ang paniniwala ni Pasig mayoral aspirant Sarah Discaya na kilala bilang Ate Sarah, kasabay ng pahayag na ang pagbibigay ng pabahay nang walang kasamang suporta para sa matatag na kabuhayan ay hindi umano magtatagumpay at makabubuhay sa mga awardee.
Nilinaw ni Discaya na ang kanyang pangarap na “smart housing” para sa kababayang Pasigueños ay nakapaloob sa priority programs ng hinahangad niyang “smart city,” hindi ‘tulad ng kasalukuyang liderato ng Pasig na nangako ng pabahay dalawang termino na ang nakalipas pero hanggang sa ngayon ay hindi natupad.
Kanya ring sinabi na kasama sa plano ng “smart housing” ng Team Sarah ang pangmatagalan na kabuhayan para sa beneficiaries.
Binigyang diin niya na ang pasanin ng pagbabayad ng mga singil sa kuryente at tubig, pati na rin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa lungsod ay karamihan sa mga laging iniisip ng mga Pasigueño.
Sa isang panayam, sinabi ni Discaya na may karapatan ang mga Pasigueño sa kumpletong programa mula sa gobyerno.