MANILA, Philippines — Umakyat pa sa 638 ang mga aksidente sa kalsada sa panahon ng kapaskuhan, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Sabado, Enero 4.
Sa pinakahuling tally nitong Biyernes, Enero 3, nadagdagan ng 32 ang insidente na nagdala sa kabuuang 638.
Sa datos ng DOH, umakyat sa 553 ang naunang tala na 527 ang mga kaso na kinasasangkutan ng hindi paggamit ng safety gear.
Tumaas din sa 452 ang motorcycle-related accidents mula sa 433, habang ang mga sangkot sa pagmamaneho ng lasing na 115 ay umangat sa 117.
Bagamat may pagtaas sa bilang ng mga aksidente, nananatili naman sa pito ang nasawi, kung saan apat ang naaksidente sa motorsiklo.
Kaugnay nito, muling nagpaalala ang DOH sa mga pag-iingat na dapat gawin ng mga motorista na huwag magmaneho ng pagod o nakainom ng alak; magsuot ng helmet sa mga nakamotorsiklo at seat belts naman sa sasakyan; sumunod sa speed limits at road signs; tiyakin na nakatulog ng 7-8 oras bago magmaneho upang manatiling alerto; iwasan ang distractions tulad ng pagggamit ng cellphone habang nagmamaneho; at agad na tumawag sa 911 o DOH hotline 1555 sakaling may emergency.