Higit P.8 milyong illegal drugs nakumpiska sa buy-bust ng NPD

MANILA, Philippines — Umaabot sa higit P.8 milyong halaga ng mga iligal na droga ang nasamsam ng  Northern Police District (NPD) sa magkakahiwalay na operasyon  na nagresulta sa pagkadakip ng  mga drug suspect  sa  Caloocan, Navotas at Valenzuela City.

Sa report na tinanggap ni  NPD Director PCol. Josefino Ligan, nasa  P374,000 shabu ang  nasabat ng  Station Drug Enforcement Unit -Caloocan City Police mula sa mga suspek na sina alyas Allan at alyas Joey bandang alas -12:50 ng madaling araw kahapon sa 1st Ave. Corner J.P. Rizal Avenue, Brgy. 120, Caloocan City habang nasa P70,000 naman ang nakuha ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit Navotas City Police Station  kina alyas Barok at alyas Belson sa M. Naval St., Brgy. San Roque, Navotas City.

Disyembre 12 din nang makumpiska ng Navotas City Police mula kina alyas Junior at alyas Toyo ang  nasa P71,604 na halaga ng  shabu sa Tanigue Street, Brgy. NBBS Dagat-Dagatan, Navotas City.

Ayon naman sa isinumiteng  report ng  Valenzuela City Police, nasa 56 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu, ang  nasamsam ngDistrict Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna ni PCpt Regie B Pobadora,  sa mga drug suspect na sina alyas Allan at alyas Lai nitong Biyernes sa  No. 481 Dulong Tangke, Malinta, Valenzuela City.

Sinabi ni Ligan na ang sunud-sunod na anti-illegal drug operations ay kasunod ng mahigpit na kampanya ni  National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PBGen. Anthony Aberin para sa ligtas na Metro Manila.

Sasampahan ng  kasong paglabag sa  RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act.

Show comments