Mayor Malapitan ‘ibabahay’ mga inabandona, inabusong kababaihan

Caloocan City Mayor Dale Gonzalo Malapitan
Caloocan Public Information Office Facebook Page

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Caloocan City government na handa silang ‘ibahay’ ang mga inabandona, inabuso at pinabayaang mga kababaihan gayundin ang mga batang lalaki na may edad 7 pababa.

Ang paniniyak ay ginawa ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan kasunod ng pagsisimula ng konstruksiyon ng social development center na tatawaging “Tahanang Mapagpala” na matatagpuan sa Barangay 171, Bagumbong, Caloocan.

Ayon kay Malapitan, layon nilang sagipin ang mga palaboy, inabuso at pinabayaan ng kani-kanilang mga pamilya.

Layon ng Tahanang Mapagpala na kupkupin ang mga kababaihan at mga inosenteng indibiduwal upang maipagpatuloy ang kanilang buhay at maisakatuparan ang kanilang mga pangarap.

“Sa pamamagitan po ng Tahanang Mapagpala at sa tulong ng CSWDD, mas maipaparamdam po natin sa mga kababayan nating higit na nangangaila­ngan ang pagkalinga at malasakit na hatid ng Pamahalaang Lungsod,” ani Malapitan.

Binigyan diin ni Malapitan na patuloy din ang kanilang mga programa upang maibigay ang mga pa­ngangailangan ng mga Batang Kankaloo.

Dagdag pa ng alkalde, walang Batang Kankaloo ang maiiwasan sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Show comments