7-anyos todas sa tuklaw ng ahas

Ayon sa report, natutulog ang biktimang si James Ababar nang gisingin ng inang si Czarina dahil sa nakitang ahas sa pinto ng kanilang bahay.
STAR/File

MANILA, Philippines — Nagsasagawa nga­yon ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa umano’y pagkamatay ng 7-anyos na batang lalaki na sinasabing natuklaw ng ahas sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan City.

Ayon sa report, natutulog ang biktimang si James Ababar nang gisingin ng inang si Czarina dahil sa nakitang ahas sa pinto ng kanilang bahay.

Kasunod nito ay uminda ng sakit ng tiyan ang batang biktima.

Nakita ng ina na nag dedeliryo at namumutla na ang anak at uhaw na uhaw kasunod ng pagsusuka. Dito na itinakbo ni Czarina ang anak sa ospital.

Batay sa death certificate ni James, dehydration at sakit sa tiyan ang ikinamatay nito.

Ngunit ayon kay Czarina, napansin niya ang sugat sa kamay ng anak na umano’y tuklaw ng ahas.

Ayon naman kay Jonathan Curioso, purok leader ng Bagong Silang, bihira lang silang makatanggap ng report tungkol sa pag-atake ng ahas sa mga tao sa barangay.

Gayunman, mas maghihigpit umano sila sa pagbabantay para maiwasan na mangyari ulit ang insidente.

Dagdag pa ng lider, lagi nilang pinapaalahanan ang mga residente na tumawag ng tauhan ng barangay tuwing may makikitang ahas sa kanilang lugar, lalo na tuwing tumataas ang ilog bunsod ng sunud-sunod na bagyo at malalakas na pag-ulan.

Show comments