‘Parallel test’ sa printing machines na gagamitin sa eleksyon, ilalarga ng DOST

Nagsagawa ng site visit kahapon sina Comelec Chairman George Garcia, Commissioners Rey Bulay at Ernesto Maceda sa National Printing Office (NPO) sa Quezon City at ininspeksyon ang mga makabagong printing machines na gagamitin sa pag-iimprenta ng mga balota sa gagamitin para sa 2025 midterm elections.
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Sa unang pagkaka­taon, magsasagawa ng­ parallel test ang Department of Science and Technology (DOST) sa printing machines na gagamitin sa 2025 national and local elections (NLE), ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Martes.

Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia habang nasa ocular inspection ng mga printer sa National Printing Office (NPO) sa Quezon City.

Maaaring isagawa ng DOST ang software test sa Nobyembre o Disyembre, na pangungunahan ng sang technical evaluation committee (TEC), na babalangkas sa guidelines sa parallel test at sa terms of reference sa proseso.

“Maganda ‘yung may gano’n sapagkat kung mayroon ka ng international certification at DOST, kahit sa software at least kahit papaano, ‘yung kumpiyansa natin tataas at later on, baka kayanin na ng DOST na mag-conduct ng testing hindi lamang sa software kundi kahit hardware ng ating mga makina,” ani Garcia.

“Kung kaya pala naman ng DOST na mag-test, bakit kakailanganin pa tayo na magkaroon ng international certification? ‘Pag nagkagano’n, puwede kami mag-move na ipa-amend ang batas at pumayag na DOST na lang ang magte-test ng mga susunod na mga makina na gagamiitin natin dito sa ating bansa,” dagdag pa niya.

Batay sa Section 11 ng Republic Act 9369, itinakda ng batas na ang TEC ay binubuo ng isang kinatawan ng bawat isa mula sa Komisyon, ang Department of Information and Communications Technology (DICT), kung saan DICT ang magiging chairman.

Nagsagawa naman ng ocular inspection ang Comelec sa dalawang printer ng Miru Systems Co. Ltd. Sa Quezon City para sa P1.6-bilyon na kontrata sa pag-iimprenta .

Nasa 73 milyong balota ang target na maimprenta na sisimulan sa darating na Disyembre.

Samantala, nagsagawa ng inspeksyon si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia kahapon sa Manila Hotel na gagamitin lugar sa paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga tatakbo sa national elections.

Paalala ni Garcia, kahit malaki ang venue sa tent ng Manila Hotel, mahigpit na ipatutupad ang limitadong kasama ng kandidato sa tatlo.

Pantay-pantay umano ang pagpapatupad ng limitasyon sa isasama ng venue kahit ano pa ang katayuan, maging incumbent officials o hindi.

May nakatalaga namang lugar para sa 100 mamamahayag na magko-kober sa COC filing. 

Show comments