2 Chinese fugitives, arestado sa BI

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang dalawang­ alien fugitives ay naaresto noong Hunyo 19 sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa ng mga ele­­mento ng BI Fugitive Search Unit (BI-FSU) sa mga lungsod ng Parañaque at Pasay. Sila ay kinilalang sina Zhu Tingyun, 43, na naaresto sa kanyang taha­nan sa Brgy. Tambo, Parañaque, at Wang Yun, 30, na nadakip naman sa Metrobank Avenue, Pasay.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

MANILA, Philippines —  Nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Chinese nationals na wanted sa mga awtoridad dahil sa pagkakasangkot sa mga seryosong krimen.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang dalawang­ alien fugitives ay naaresto noong Hunyo 19 sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa ng mga ele­­mento ng BI Fugitive Search Unit (BI-FSU) sa mga lungsod ng Parañaque at Pasay. Sila ay kinilalang sina Zhu Tingyun, 43, na naaresto sa kanyang taha­nan sa Brgy. Tambo, Parañaque, at Wang Yun, 30, na nadakip naman sa Metrobank Avenue, Pasay.

Ani Tansingco, kaagad nilang ide-deport ang mga dayuhan at isasama sa blacklist upang hindi na muli pang makapasok sa Pilipinas.

Dagdag pa ng BI chief, ang mga fugitives ay kapwa overstaying dahil ilang taon na silang nagtatago sa Pilipinas upang makaiwas sa prosekusyon para sa kanilang mga krimen habang ang kanilang mga pasaporte ay kinansela na rin ng Chinese government.

Ayon sa Chinese Embassy sa Manila, si Zhu ay may warrant of arrest na inisyu ng Public Security Bureau sa Cangwu County, Guangxi, China. Siya ay inaakusahang nagpapatakbo ng isang sindikato na nag-o-operate ng online gambling site na pawang Chinese ang mga kostumer, at ang total bets simula pa 2016 ay umabot na umano sa 30-bilyong Chinese yuan, o halos US$4.1 bilyon.

Si Wang naman ay may warrant of arrest na inisyu ng Public Security Bureau Jinjiang City dahil sa pagkakasangkot sa kidnapping.

Show comments