P6.1 milyong illegal drugs na inabandona ng consignees inilipat na sa PDEA

MANILA, Philippines — Inilipat na ng Bureau of Customs (BOC) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasa mahigit P6 milyong halaga ng illegal drugs na inabandona ng mga consignees sa Central Mail Exchanges Center(CMEC) sa Pasay City.

Nabatid na nasa 19 ang mga abandonadong pakete ng epektos na galing sa iba’t ibang bansa na tangkang ipasok sa Pilipinas.

Batay sa record, may kabuuang 3,702.36 grams na marijuana o kush na may standard drug price na P5,183,304 at 577 ml. naman na marijuana oil na ang P34,620 ang kabilang sa nasabat.

Bukod dito, hindi rin nakalusot ang parcel na nag­lalaman ng 570 pieces na Ecstacy tablet na nagkakahalaga naman ng P969,000.

Samantala naharang din ang tuyot na opium poppy flowers na may bigat na 850 grams na hindi pa ma­tukoy ang halaga nito.

Ang mga nasamsam na illegal na droga mula sa mga abandonadong parcel na may kabuuang halaga na aabot sa P6,186,924,00 ay naiturn-over na ng customs sa NAIA PDEA-IADITG para sa tamang dokumentasyon at disposition.

Show comments