DMW: Isa sa 2 OFW na kritikal sa Kuwait fire, nakalabas na ng ICU

MANILA, Philippines — Inianunsiyo ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakalabas na ng Intensive Care Unit (ICU) ang isa sa dalawang overseas Filipino workers (OFWs) na unang iniulat na nasa kritikal na kondisyon sa isang sunog na sumiklab sa isang residential buil­ding sa Kuwait kamakailan.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, kasalukuyan nang nasa ward at nagpapagaling ang naturang ‘di pinangalanang OFW.

Samantala, ang isa pa namang OFW na kritikal din ang kondisyon ay nananatili pa rin sa ICU.

Matatandaang madaling araw ng Miyerkules nang sumiklab ang sunog sa isang residential building sa Mangaf area sa Kuwait.

Mahigit sa 35 katao ang nasawi sa sunog kabilang ang tatlong OFWs habang marami rin naman ang mga nasugatan dahil sa insidente.

Tiniyak naman ng DMW na inaasikaso na nila ang agarang pagpapauwi aa mga bangkay ng mga OFWs na sinawimpalad na masawi sa sunog.

Show comments