BI: Vietnamese doc, 4 pa sangkot sa ‘abortion’

A statue of a fetus.
Pixabay / hhach

MANILA, Philippines — Limang illegal alien, na kinabibilangan ng isang umano’y Vietna­mese ‘doctor’, na sinasabing sangkot sa aborsiyon, ang inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI), nabatid kahapon.

Si Trinh Dinh Sang, 29, Vietnamese, na nagpapakilalang si “Doctor Sang”, ay inaresto sa Macapagal Boulevard sa Pasay City at malaunan ay natuklasang nagtatrabaho sa isang wellness clinic sa naturang lugar.

Ang operasyon, na isinagawa sa pakikipag-koordinasyon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police-Pasay City, ay resulta ng impormasyong natanggap ng mga awtoridad na si Sang ay sangkot sa illegal procedures, kabilang na ang cosmetic enhancement at abortion.

Bukod kay Sang, naaresto rin sa operasyon ang dalawa pang ­Vietnamese nationals na nakilalang sina Nguyen Duy Quynh, 67, at Pham Thi Nhu Hieu, 28, at dalawang Chinese nationals na sina Xie Jun, 36, at Zhai Jian Gang, 43.

Ayon kay BI intelligence division Chief Fortunato Manahan Jr., ang mga operatiba ay nagpanggap na kliyente ng cosmetic treatments, at nang makumpirma ang presensiya ng mga illegal aliens, ay kaagad na silang inaresto.

Sinabi naman ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang kaso ay nakakaalarma, dahil sa pagsasagawa ng mga ito ng illegal na aborsiyon at cosmetic procedures ng mga dayuhan.

Ang mga naturang dayuhan ay mananatili sa jail facility ng BI sa Bicutan, Taguig habang nakabinbin pa ang resolusyon sa deportation case na isinampa laban sa kanila.

Show comments