Urban farming program sa mga barangay, inilunsad ng DILG

Pinangunahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. urban farming program para sa mga barangay na ‘Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay (HAPAG) sa Barangay Project: Araw ng Pagkaing Masustansya at Sapat’ , na isinagawa sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City.
Jesse Bustos

MANILA, Philippines — Inilunsad ng Department of the Interior and Local Go­vernment (DILG) kahapon ang kanilang urban farming program para sa mga barangay.

Mismong si DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. ang nanguna sa national launching ng ‘Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay (HAPAG) sa Barangay Project: Araw ng Pagkaing Masustansya at Sapat’, na isinagawa sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City.

Ayon kay Abalos, magsisilbi itong istrayehiya upang i-diversify ang food sources at makatulong sa pagtiyak ng seguridad sa pagkain sa bansa.

 Layunin din nitong palakasin ang kapasidad ng mga barangay para sa sustainable agriculture initiatives sa pamamagitan ng community gardening sa kani-kanilang lugar.

Sa ilalim ng HAPAG sa Barangay, ang mga tahanan at komunidad ay hinihikayat na magtanim ng mga gulay at prutas sa kanilang mga bakuran, gayundin sa mga bakanteng lugar sa mga barangay.

Nabatid na ininspeksyon ng kalihim ang mga pananim sa Gulayan at Bulaklakan Integrated Urban Farm ng Brgy. Holy Spirit.

Sinabi ni Abalos na oob­serbahan muna nila ang implementasyon ng proyekto sa mga susunod na buwan bago magdesisyon kung gagawing mandatory ang urban farms sa lahat ng barangay.

Ang HAPAG sa Barangay Project ay inilunsad bilang suporta sa layunin ni Pang. Ferdinand R. Marcos, Jr. na matugunan ang kagutuman at matiyak ang food security sa bansa.

Show comments