MANILA, Philippines — Itutuloy na ang pagmomonitor sa mga ‘obese’ na pulis.
Ito ang binigyang- diin ni PNP chief General Debold Sinas sa layuning manatiling epektibo ang mga ito sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Sa ginanap na press briefing sinabi ni Sinas na ibabalik na ang Body Mass Index (BMI) monitoring sa mga pulis upang mapanatili ang kalusugan at maiwasan ang anumang sakit na humahantong sa kamatayan. Aniya, istriktong ipapatupad ang BMI monitoring sa mga pulis na pangangasiwaan ng PNP Directorate for Human Resource and Doctrine Development (DHRDD) para matulungan ang mga obese na pulis na maging fit.
Nabatid kay Sinas na sinuspinde ang BMI monitoring bago siya maging hepe ng pambansang pulisya dahil sa banta ng COVID-19.
Paliwanag ni Sinas, sa loob ng siyam na buwan ay nabawasan ang kilos at galaw ng lahat dahil sa pandemic kung saan ipinagbawal ang pagpunta sa mga gym upang makapag ehersisyo.
Ito rin aniya ang dahlian kaya nag-develop ang PNP ng 4-minute exercise ay upang maiwasang maging obese ang mga pulis.
Hinamon pa ni Sinas ang mga pulis na kayanin ang pagiging fit dahil siya mismo ay susunod at handang sumailalim sa fitness program upang mas madaling maisakatuparan ang kanilang tungkulin.