‘Prank callers’ sa Muntinlupa, binalaan

MANILA, Philippines — May katapat na parusa sa lungsod ng Muntinlupa ang sinumang indibidwal na gagawa ng ‘prank calls’ kabilang ang mga menor-de-edad na posibleng matanggalan ng scholarship grant mula sa lokal na pamahalaan.

Batay ito sa nilag­daang  Muntinlupa City Ordinance No. 2020-141 o the Anti-Prank Callers Ordinance  na nagbabawal sa malisyoso at hindi tamang paggamit ng emergency hotlines ng Muntinlupa City, sa layuning agad na matugunan ang emergency at crisis situations.

Sinabi ni Mayor Jaime Fresnedi na ang emergency hotlines ay dapat maging bukas sa lahat ng oras sa pag­responde sa emergencies kaya hindi dapat na ma-singitan lamang ito ng hindi importanteng mga tawag.

 Babala ni Fresnedi sa mga violators na ang Muntinlupa LGU ay makikipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBl), National Telecommunications Commission (NTC), at Philippine National Police (PNP) para matukoy ang pagkakakilanlan at  lugar ng prank callers.

Sa ilalim ng ordinansa, ang mga false request o false alarm ng emergency calls ay mapaparu­sahan. Ang iba pang ipinagbabawal ay ang sinasadyang mapanlinlang na ulat upang magdulot ng pagkalito o panic, paggawa ng ‘malicious call’ upang lokohin ang isang tao sa intensiyon na bantaan, i-harass, takutin, makakuha ng puna, request, o malaswang  mga salita, paulit-ulit na pagtawag subalit hindi nagsasalita, pagha-hang ng telepono o pagputol sa koneksiyon kapag sinagot ang tawag. 

May katapat itong multa na hanggang P5,000 o pagkakulong ng mula 30 hanggang araw. 

Pangunahing pagbabatayan ang numerong ginamit sa prank call para sa pagsasampa ng reklamo.

Show comments