MANILA, Philippines — Umapela si Magdalo Rep. Gary Alejano sa Bureau of Immigration, Department of Labor and Employment at lokal na pamahalaan na magkasa ng crackdown laban sa mga undocumented Chinese sa isla ng Boracay.
Ang apela ni Alejano ay bunsod sa napaulat na pagdami ng bilang ng mga nagsulputang Chinese business establishment sa nasabing isla.
Hiniling din ng kongresista sa BI at DOLE na mahigpit na ipatupad ang immigration at labor laws para agad na masolusyunan ang nasabing problema.
Iginiit pa niya na mistulang ninakaw na umano ng mga Tsinoy ang trabaho at pagkakakitaan ng mga Pilipino sa Boracay.