MANILA, Philippines – Nasa malubhang kalagayan ngayon sa pagamutan ang limang lalaki makaraang pagbabarilin ng riding in tandem sa Marikina City, kahapon ng madaling araw.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Eugene Loyola, 29, Jay-ar Boado, 29, Lawrence Lansuega, 23, Generoso Esmenia, 36 at Randy Adora, 25 pawang mga residente ng Malanday, Marikina City.
Ginagamot ngayon sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC) ang mga biktima na pawang nagtamo ng tama ng bala ng kalibre .45 sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan. Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng madaling araw habang naglalakad ang unang apat na biktima pauwi sa kanilang bahay.
Walang sabi-sabing pinagbabaril sila ng mga suspect saka mabilis na pinaharurot ng takbo ang sinasakyan nilang motorsiklo. Sinasabing nadaanan din ng mga suspek si Adora kaya siya man ay pinagbabaril din.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng follow up operation ang pulisya upang madakip ang mga suspek at mabatid na rin ang kanilang motibo kung bakit nila pinagbabaril ang mga biktima.