MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na magsisimula na sa Linggo (August 16) ang paggamit ng unified stored value beep card sa line 1 at line 2 ng Light Rail Transit (LRT).
Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRTA, tiyak na magbibigay ng ginhawa sa mga pasahero ng LRT-1 at LRT-2 ang beep card dahil hindi na pipila pa ang mga ito sa tuwing sasakay ng tren.
Sa ngayon ani Cabrera ay puspusan ang isinasagawa nilang public trial sa bagong beep card ticket sa lahat ng istasyon ng LRT upang maisaayos ang ilang makikitang problema.
Kabilang sa isinasagawang public trial ay ang pagbebenta, paglo-load at paggamit ng mga bagong beep card tickets.
Pinaalalahanan din ni Cabrera ang mga commuters na ongoing din ang cash refund sa mga magnetic stored value tickets na nabili na nila ngunit hindi na maaari pang gamitin sa sandaling maipatupad na nang tuluyan ang contactless ticketing system na beep card.
Ang cash refund ay isinasagawa sa lahat ng istasyon ng LRT-1 northbound pero ang paglilipat ng balanse sa bagong beep card ay sa isang linggo pa isasagawa.
Inihinto na rin ng LRTA ang pagbebenta ng magnetic stored value tickets sa Line 2 ng LRT bilang bahagi ng bagong sistemang ipapatupad, pero tuloy pa rin ang bentahan ng single-journey tickets hanggang tuluyang maipatupad ang bagong sistema.