Singaporean national, itinumba sa loob ng tanggapan

MANILA, Philippines – Dedo ang isang negos­yan­teng Singaporean national mata­pos itong barilin ng dala­wang hindi kilalang kalalakihan na pumasok sa tanggapan nito ka­hapon sa Parañaque City. Dead on arrival sa Parañaque Medical Center ang biktimang si Stanlex Jang, 35, sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa mukha.

Ayon kay Senior Supt. Ariel Andrade, hepe ng Parañaque City Police, naganap ang insidente alas-12:12 kahapon ng tanghali sa loob ng opisina ng biktima sa Deltatronix sa Doña Soledad Avenue, Brgy. Don Bosco ng naturang lungsod.
Nabatid na biglang pumasok ang mga suspek sa tanggapan ng biktima at hinahanap ito.

Nang makita ng mga suspek ang biktima ay walang salitang binaril ito sa mukha, dahilan upang duguan itong bumulagta. Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek at ang biktima naman ay dinala ng kanyang mga tauhan sa naturang ospital, subalit hindi na umabot nang buhay. Masusing sinisiyasat ng pulisya ang naturang insidente.

Show comments