MANILA, Philippines - Pinadidismis ng kampo ni Dahlia Guerrero-Pastor, asawa ng napaslang na international car race driver Ferdinand “Enzo’’ Pastor sa Quezon City court ang kasong parricide na nakasampa sa kanya sa naturang korte.
Ito ang nilalaman ng mosyon na isinumite ng kampo ni Dahlia Guerrero Pastor sa QC RTC Branch 91 sa pamamagitan ng abogado nitong si Atty. Redemberto Villanueva kahapon.
Si Guerrero-Pastor ay nahaharap sa kasong parricide sa umano’y pagbaril at pagkamatay sa asawa nito noong June 12, 2014 sa kanto ng Congressional at Visayas Avenues sa lungsod.
Bagamat tumanggi ang korte na magbigay sa media ng kopya ng mosyon ay sinabi naman ni Villanueva sa mga reporters na sila ay humihingi ng dismissal sa kaso dahil sa argumentong forum shopping.
Sa ginanap na pagdinig kahapon sa kasong ito ay hindi naman pinayagan ang miyembro ng media na makapasok sa courtroom. Dumalo naman sa hearing ang mga magulang ni Enzo na sina Tom at Remy Pastor.
Sinasabing hindi pa rin nakapagpapalabas ng warrant of arrest ang korte laban kay Pastor-Guerrero matapos mapaulat na ito at ang negosyanteng si Domingo “Sandy” de Guzman III ang itinuturong magkasabwat sa pagpatay kay Enzo.
Niliwanag ni Villanueva na ang kanyang kliyente ay naninindigang hindi na kailangan pang dumalo sa preliminary investigation ng korte dahil sa karapatan nitong manahimik kaugnay ng kaso.
Kaugnay nito, naitakda naman ng Regional Trial Court Branch 85 kung saan nakasampa ang kasong murder ni de Guzman na dinggin ang kaso sa March 10, 2015.