Sa kabila ng fare hike pasahero sa LRT at MRT dagsa pa rin

MANILA, Philippines – Dagsa pa rin ang libu-libong commuters ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) sa kabila ng ipinatupad na taas pasahe ng Department of Transportation and Communication (DOTC).

Nasumpungan kahapon ang mahaba pa ring pila ng mga pasahero sa mga istasyon ng  LRT at MRT sa Metro Manila.

Sa Santolan MRT-Station ay umabot pa hanggang sa kalsada ang pila na nagnanais sumakay ng MRT kahapon ng alas-7:00 ng umaga.

Karamihan sa mga naka­pila ay mga estudyante at mga manggagawa na nagnanais na mabilis na makarating sa kanilang paaralan at trabaho.

Ayon kay Dionisio Hernandez, isang manggagawa sa Baclaran, araw-araw siyang sumasakay ng LRT dahil sa mabilis at kumbinyente ang kanyang pagbibiyahe kumpara sa jeep at bus na nakakaranas ng matinding trapik sa kalsada.

“Kahit ayaw ko ang fare hike ay wala akong magagawa kundi sumakay ng LRT dahil male-late ako kapag jeep ang sinakyan ko, na maaari kong ikasibak sa aking trabaho’,  sabi ni Hernandez.

Sinabi naman ni Honeyrose Hernandez, isang estudyante, sasakay pa rin siya ng MRT kahit tutol din siya sa taas pasahe upang hindi ma-late sa klase.

“Sana naman ay suklian ng DOTC ng magandang  serbisyo ang ipinatupad nilang fare hike, sana ay wala ng titirik na tren nila at palitan na ang hindi aircon na bagon”, pahayag ni Her­nandez.

Show comments