Anomalya sa RAC MSWD handa sa imbestigasyon

MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ng Manila Social Welfare Department ng Manila City Hall na handa silang sumailalim sa anumang imbes­tigasyon bunsod na rin umano ng mga sinasabing katiwalian sa loob ng  Reception and Action Center(RAC).

Ayon kay MSWD chief Honey Lacuna-Pangan, wala silang itinatagong  anomalya sa RAC kaya’t malaya ang  lahat na siya­satin ang kanilang tanggapan.

Pinabulaanan din nito na may nangyayaring pagma­mal­trato, kalaswaan at katiwalian sa  RAC dahil ang lahat ng dina­dala dito ay nakarecord.

Hindi umano nila alam kung saan  bahagi ng RAC kinunan  si “Federico” kung saan nakita itong nakahubad at buto’t balat na.

Paglilinaw ni  Lacuna-Pangan, maayos na nakakalakad si “Federico” matapos na  makitang  nakapost ang larawan nito.

Nagtataka lamang din si Lacuna-Pangan kung bakit nagi­ging malaking isyu kung sila ang sumasagip sa mga street children­.

Aniya, nakakalungkot lamang umano ang trato ng  ibang sector na kung ang  MSWD-RAC ang  kukuha sa mga  street children, tinatawag umano itong ‘pag-aresto’ samantalang kung ibang non government organization tinatawag  nila itong ‘pagsagip’.

Sinabi ni Lacuna-Pangan na ginagawa ng MSWD ang lahat upang makuha ang mga batang lansangan at mabigyan ng  maayos na kinabukasan subalit kailangan din ang tulong ng  national government at ibang NGOs lalo na ng kanilang mga pamilya.

 

Show comments