PR head ng land developer nilikida

MANILA, Philippines - Pinabulagta ang hepe ng public relations division ng land development firm makaraang barilin ng riding-in-tandem assassins sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Wala nang buhay nang isugod sa Tala Hospital ang biktimang si Ricardo Mago, 60, kawani ng Carmel Development Inc. at nakatira sa Barangay San Isidro, Tala sa nasabing lungsod. 

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7 ng gabi nang matagpuan ang biktima na nakabulagta katabi ang kanyang motorsiklo sa tapat ng bahay sa Saint Joseph Barracks sa nasabing lungsod.

Sa pag-aakalang inatake lang sa puso dahil walang nakitang dugo ay dinala ang biktima sa Tala Hospital.

Nang isailalim sa awtopsiya, natuklasan na isang tama ng bala ang tumapos sa buhay ng biktima.

Sa dagdag na imbestigasyon ng pulisya, isang saksi ang lumutang at sina­bing nakarinig siya ng putok ng baril sa nasabing lugar kung saan namataan ang dalawang di-kilalang lalaki ang lulan ng motorsiklo na lumayo mula sa kinaro­roonan ng biktima.

Nabatid na bago maganap ang pamamaslang, nakatatanggap ng death threats sa pamamagitan ng text message ang biktima.

Lumalabas na ang Pa­ngarap Village sa Caloocan City ay pinag-aagawan ng mga residente at ng kumpanyang pinaglilingkuran ng biktima.

Isinara pa ng kumpanya ng biktima sa daloy ng trapiko ang mga kalsadang tumatagos sa pinagtatalunang lupain.

Show comments