MANILA, Philippines - Isang 27-anyos na seaman ang nasa kritikal na kondisyon matapos tumilapon at maÂhulog mula sa may 20-talampakan ng Kalayaan flyover sa Makati City, kahapon ng umaga.
Kasalukuyang ginagamot sa Ospital ng Makati ang biktimang si Clark Macasadia, ng San Diego St., Sampaloc, Manila.
Lumalabas sa imbestigasyon ni P03 Michael Pamilara, ng Makati City Traffic Management Unit, naganap ang insidente alas-8:30 ng umaga sa Kalayaan flyover sa naturang lungsod.
Nabatid na galing sa Kalayaan Avenue at patungo sa Gil Puyat (dating Buendia Avenue) Avenue si Macasadia, sakay nang minamaneho nitong Honda motorcycle na may plakang NP-8315 at pagdating sa itaas ng flyover ay sumalpok ito sa gutter.
Dahil sa bilis ng takbo, nawalan ng kontrol at nakabitiw sa manibela ang biktima kaya’t tumilapon hanggang sa mahulog sa tulay habang naiwan ang kanyang motorsiklo sa ibabaw ng flyover.
Kaagad namang nakapagresponde ang Rescue Team ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at isinugod sa naturang ospital ang biktima kung saan ito ay nasa kritikal na kondisyon makaraang mabali ang buto sa tadyang at mga buto sa hita.
Mabuti na lamang aniya ay nakasuot ng safety helmet ang biktima at hindi napinsala ang ulo nito.