2 miyembro ng ‘Ipit Gang’ timbog

MANILA, Philippines - Kalaboso ang dalawang miyembro ng “Ipit Gang” matapos nilang biktimahin ang isang call center agent sa isang pampasaherong bus kahapon ng tanghali sa Pasay City.

Nakakulong ngayon sa Pasay City Police detention cell ang mga suspek na sina Junior Ortiz “alias Kambal”, 27, binata, nakatira sa #4738 Ang Buhay St., V. Mapa, Santa Mesa, Manila at Jovan Gardio “alias Oban”, 22, ng #1625 Universe St., Santa Mesa ng naturang lungsod.

Kinilala naman ang naging biktima na si Bianca Malijian, 25, dalaga, taga Parañaque City.

Sa salaysay ng biktima sa Pasay City Police, naganap ang insidente alas-12:00 ng tanghali sa Gamban River Side, EDSA Avenue, ng naturang lungsod.

Nabatid, na nakasakay ang biktima sa isang pampa­saherong bus nang gitgitin siya ng mga suspek at nakaramdam ito na mabigat ang kanyang bag.

Habang ginigitgit ang biktima ay dito na nakuha ng mga suspek ang kanyang Samsung cellphone na nagkakahalaga ng P12,000.00.

Matapos matangay ang  cellphone ng dalaga ay kaagad na bumaba ng bus ang mga suspek  dahilan upang bumaba rin ang biktima at dito na ito nagsisigaw.

Tiyempo namang nagpapatrulya ang mga pulis sa naturang lugar at dito humingi ng tulong ang dalaga at nagresulta ito nang pagkakadakip sa mga suspek.

Nabatid, na ang mga suspek ay miyembro ng Ipit Gang, na dati-rati ang modus operandi nila ay taxi, sa ngayon ay lumi­linya na rin sila sa mga pampasaherong bus.

 

Show comments