Mahilig sa tsismis ang in-laws

Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo at sa lahat ninyong mambabasa sa PSN.

Matagal na po akong dapat ay lumiham sa inyo para maihinga ang sama ng loob ko sa aking mga in-laws at makahingi ng mahalaga ninyong payo.

Naaasar kasi ako sa aking biyanan at mga hipag dahil tuwing mayroong pagtitipon ang pamilya nila, wala na po silang topic kundi ang samu’t saring panunuya nila sa iba pang mga kamag-anak na nagkaroon ng hindi magandang estado o kalagayan sa buhay.

Halimbawa na ay kung sino ang pinsan na may kabit, maging mga kaibigan na baon sa utang at marami pang iba.

Ako po ay dapo lang na maituturing sa kanilang pamilya at kinayayamutan ko po ang ugali nilang ito. Hindi naman sila mga perpektong tao. Sa katunayan kapag sa kanilang pamilya ang diperensiya ay tikom ang bibig ng lahat at kung pag-usapan nila ito ay pabulong lang.

Gaya po nang nangyari sa aking hipag na hinihiwalayan ng asawa dahil hindi sa kanya ang ipinagbubuntis nito. Matagal na palang alam ng napangasawa niya na baog siya. Inamin naman po sa akin ng aking hipag na nagkamali siya ng pagpatol sa isang kaopisina para magkaanak.

Nasabi ko na po sa aking asawa na nag-open na sa akin ang kapatid niya. Pero ang sabi niya’y itikom ko na lang daw ang aking bibig.  Gusto ko sana na matutunan nila ang mahala­gang leksiyon para itigil na nila ang tsismis sa iba pang miyembro ng pamilya.

Pagpayuhan po ninyo ako kung dapat nga ba akong manahimik na lang? Maraming salamat­ po at sana’y maunawaan ninyo ako.

Gumagalang,

Shirley

Dear Shirley,

Kung wala ka rin lang sasabihin na mabuti, mabuti pang isara mo ang iyong bibig. Kundi ay wala ka nang ipinagkaiba sa kinaiinisan mong mga in-laws. Hayaan mo ang sitwasyon dahil ika nga ng kasabihan, walang sikreto na hindi nabubunyag. Ibig sabihin, kusang lalabas ang totoo at matutunan nila sa takdang panahon ang dapat nilang matutunan. Kaya huwag mong ilagay sa kamay mo ang batas.

DR. LOVE

Show comments