Nagpaawa lang

Dear Dr. Love,

Isang hakbang po ang niloloob kong gawin laban sa isang kaibigan na pinasakay lang ako sa kanyang mga sad story para magpaawa at kalaunan ay na-realize ko na lang na niloko niya ako tangay ng perang inutang niya, pero wala nang balak bayaran.

Kasama ko sa opisina si Ben at dahil tugma ang oras ng aming trabaho, madalas ay magkasabay kaming kumain at maging umuwi. Dahil sa araw-araw na pagsasabay namin ay naging madalas ang aming kwentuhan. Akala ko ay kilala ko na talaga siya.

Ang sabi niya ay may asawa siya at anak pero salat sa pagmamahal dahil pilit lang naman ang pagpapakasal nila. Ikinukwento rin niyang mahirap ang buhay nilang mag-asawa. Lalo na nang huminto sa pagtatrabaho ang kanyang misis at solo na niyang binabalikat ang lahat ng gastusin sa kanilang bahay.

Isang araw ay sinabi niyang nasa ospital ang kanyang anak. At tuliro siya dahil kailangan ng malaking halaga. Sa awa ko po ay umutang ako ng 30 thousand sa aming kooperatiba. Hindi na rin nakapasok ng aming opisina si Ben nang mga sumunod na araw dahil kailangan niyang tulungan ang asawa na magbantay sa kanilang anak.

Dr. Love, akala ko ay pansamantala lang ang pagkawala ni Ben. Pero hindi na talaga siya bumalik sa aming opisina. Hindi ko na rin ma-contact ang cell phone number na ibinigay niya. Nagpasya akong puntahan ang itinuro niyang tinitirhan nila ng kanyang asawa pero nagimbal ako nang malaman na pinasakay niya lang ako sa kanyang mga kwento.

Wala siyang asawa at walang anak. At hindi lang ako ang naging biktima niya. Umalis na po si Ben sa bahay na inuupahan niya nang maibigay ko ang pera.

Ngayon po ay may mga mahahalagang impormasyon ako tungkol sa kinaroroonan ni Ben. Pwede ko ba siyang kasuhan dahil sa utang niya sa akin? Hindi ko po alam kung paano ko mababayaran ang malaking halaga na hiniram ko sa kooperatiba.

Gumagalang,

Portia

Dear Portia,

Nasa iyo ang lahat ng karapatan para habulin at papanagutin ang taong itinurin mong kaibigan pero hinuthutan ka lang ng pera. Magpunta ka sa pulisya at sila ang magtuturo sa iyo ng tamang proseso para masakote mo ang manggagantsong si Ben.

DR. LOVE

Show comments