Dear Dr. Love,
Isa pong pinagpalang araw ang bati ko sa inyo at sa mga bumubuo ng inyong staff. Harinawa’y datnan kayo ng aking sulat na maligaya at walang problema.
Ako nga pala si Tisha (hindi tunay na paÂngalan) at ang problema ko ay tungkol sa mister kong nakatakdang mag-abroad para roon magtrabaho sa California.
Maganda naman ang trabaho niya rito sa Pilipinas at katunayan, nakapagpatayo kami ng maliit na bahay sa isang second class subdivision. Pero mapilit ang aking biyenan na naroroon sa US na kunin siya. Dahil hindi na siya puwedeng ipetisyon dahil may asawa na, hinanapan ng biyenan ko ng employer ang aking asawa.
Natatakot ako dahil noon pa man ay tutol sa akin ang aking biyenan. Nangangamba ako na tuluyan na kaming maghihiwalay kapag nagtungo siya roon. Baka idiborsyo ako at mag-asawa ng citizen. Hindi ko na siya mapigil at tuloy na ang pag-alis niya sa Abril. Ano ang gagawin ko?
Tisha
Dear Tisha,
Wala akong maipapayo kundi ipagdasal mo na lang na sana’y hindi ka ilaglag ng asawa mo at magpasulsol sa kanyang ina.
Bago siya umalis ay sabihin mo sa kanya ang iyong mga pangamba kalakip ang iyong pagtitiwala na hindi ka ipagpapalit sa iba.
Sabihin mo man na huwag siyang tumuloy kung sadyang determinado siyang umalis ay hindi mo siya mapipigilan. Gayunman, ihanda mo ang iyong sarili sa posibleng mangyari at magpakatatag ka dahil maaaring iyan ay isa lamang pagsubok.
Gabayan ka nawa ng Panginoon.
Dr. Love